Panghihina o Pagkapagod na Hindi Tiyak ang Sanhi
Magkaibang kondisyon ang panghihina at pagkapagod. Kung minsan, iniisip ng mga tao na sila ay mahina, samantalang ang totoo, sila ay pagod. Mahalagang maunawaan ang pagkakaiba sa pagitan ng panghihina at pagkapagod, para makakuha ka ng tamang tulong sa kung ano ang nararamdaman mo.
-
Panghihina. Ito ay kapag hindi malakas ang iyong mga kalamnan gaya nang nararapat. Maaari itong malinang nang mabilis o mabagal sa paglipas ng panahon. Maaari nitong maapektuhan lahat ng kalamnan ng katawan (pangkalahatang panghihina) o isang bahagi lamang ng katawan. Kabilang sa ilang dahilan ng pangkalahatang panghihina ang nabawasang physical fitness, pagkawala ng tisyu ng kalamnan dahil sa mahabang panahon ng kawalan ng aktibidad, hindi normal na mga lebel ng electrolyte, at paggamit ng ilang gamot, tulad ng corticosteroids. Kabilang sa ilang dahilan ng panghihina sa partikular na mga kalamnan ang mga stroke, pagkasira ng ugat, napinsalang disk sa gulugod, at mga sakit na neurological, tulad ng multiple sclerosis. Nakadepende ang mga sintomas ng panghihina sa kung anong mga kalamnan ang apektado.
-
Pagkapagod. Ito ay kapag nakakaramdam ka ng labis na pagkapagod, nanlulupaypay, o walang lakas. Ito ay kapag nakakaramdam ka ng matinding pangangailangan na magpahinga o may kaunting enerhiya na nahihirapang gumawa ng anumang aktibidad. Maaari itong mangyari kung sobra kang aktibo o hindi gaanong aktibo, nai-stress, walang sapat na magandang kalidad ng pagtulog, o may hindi malusog na diyeta. Kabilang sa iba pang dahilan ng pagkapagod ang mga impeksiyon na dulot ng virus, mga problema sa emosyon, lalo na ang depresyon, at malubhang mga sakit, tulad ng pagpalya ng puso at kanser. Maaari ding magdulot ng pagkapagod ang masasamang epektong dulot ng gamot. Ang pagkapagod ay kadalasang palatandaan na may ibang nangyayari.
Batay sa iyong pagsusuri ngayon, hindi malinaw ang eksaktong dahilan ng iyong mga sintomas. Gayunpaman, ang iyong mga sintomas ay mukhang hindi senyales ng seryosong sakit sa ngayon. Bantayan ang iyong mga sintomas at humingi ng medikal na pagpapayo ayon sa iniuutos sa ibaba.
Pangangalaga sa tahanan
-
Magpahinga sa bahay ngayong araw. Huwag sagarin ang paggawa.
-
Inumin ang anumang gamot na inireseta.
-
Sa susunod na ilang araw, uminom ng ekstrang likido maliban na lamang kung nais ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na magbawas ka ng likido dahil sa ibang kadahilanan. Huwag lumaktaw sa pagkain.
-
Maliban kung iba ang itinagubilin, ipagpatuloy ang pag-inom ng alinman sa mga iniresetang gamot.
-
Kontakin ang tagapangalaga ng iyong kalusugan kung mayroon kang anumang mga katanungan o alalahanin.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo.
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:
-
Mga sintomas na lumalala o magkaroon ng mga bagong sintomas
-
Hindi nagsisimulang bumuti ang mga sintomas sa loob ng 2 araw
-
Pinagpapawisan ka sa gabi
-
Mayroon kang namamagang mga kulani
-
Mayroon kang pananakit
-
Lagnat na 100.4º F (38º C) pataas o ayon sa ibinilin ng tagapangalaga ng iyong kalusugan
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:
-
Pananakit ng dibdib, bisig, leeg, panga, o itaas na bahagi ng likuran
-
Hirap sa paghinga
-
Pamamanhid o panghihina ng mukha, isang bisig o isang binti
-
Malabong pagsasalita, pagkatuliro, nahihirapan sa pagsasalita, paglakad o paningin
-
Dugo sa suka o dumi (kulay itim o pula)
-
Matinding pananakit ng ulo
-
Pagkawala ng malay, tulad ng pagkahimatay
-
Pagkawala ng kakayahang maglakad
-
Panghihina na lumulubha sa paglipas ng ilang araw o mas maigsi pa
-
Nahihirapang iangat ang ulo habang nakahiga
Online Medical Reviewer:
Eric Perez MD
Online Medical Reviewer:
Ronald Karlin MD
Online Medical Reviewer:
Tara Novick BSN MSN
Date Last Reviewed:
1/1/2023
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.