Search Results
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Kapag May Sipon o Trangkaso ang Iyong Anak

Ini-update para sa panahon ng trangkaso sa 2024-2025

Naiimpeksiyon ng sipon at trangkaso (flu) ang itaas na palahingahan. Kabilang dito ang bibig, ilong, daanan sa ilong, at lalamunan. Sanhi ang parehong sakit ng mga mikrobyo na tinatawag na mga virus, at parehong may ilang magkatulad na sintomas. Ngunit nagkakaiba ang sipon at ang trangkaso sa ilang pangunahing paraan. Maaaring maging mas madali upang maiwasan ang mga ito sa pagkakaroon ng mas maraming kaalaman tungkol sa mga impeksiyong ito. At kung magkasakit ang inyong anak, makakatulong ka na mapigilang lumalala ang mga sintomas.

Ano ang sipon?

  • Kasama sa mga sintomas ang sipon o baradong ilong, ubo, pagbahing, pananakit ng lalamunan, at mas mababang lagnat. Tila mas banayad ang mga sintomas ng sipon kaysa sa mga sintomas ng trangkaso.

  • Mas unti-unting lumilitaw ang mga sintomas ng sipon.

  • Nagagawa pa rin ng mga batang may sipon ang marami sa kanilang kadalasang mga aktibidad. Bihirang magreklamo ng panghihina o pagkapagod

  • Maaaring tumagal ang mga sintomas ng hanggang 2 linggo

Ano ang trangkaso?

  • Ang trangkaso ay isang impeksiyon sa palahingahan. (Hindi ito katulad ng trangkaso sa tiyan na gastroenteritis: isang pamamaga ng lining ng sikmura at bituka).

  • Kabilang sa mga sintomas ang lagnat, pananakit ng ulo, pagkapagod, ubo, masakit na lalamunan, tumutulong sipon, paninikip ng dibdib, at pananakit ng kalamnan o katawan. Maaaring mayroon ding masakit na sikmura at pagsusuka ang mga bata.

  • Kadalasang nangyayari nang mabilis ang mga sintomas ng trangkaso.

  • Maaaring makaramdam ng sobrang pagod ang mga batang may trangkaso para gawin ang kanilang karaniwang mga aktibidad.

  • Kadalasang tumatagal ang mga sintomas ng 1-2 linggo

Paano kumakalat ang sipon at ang trangkaso?

Kumakalat ang mga virus na nagdudulot ng sipon at trangkaso sa mga patak kapag umubo o bumahin ang isang taong maysakit. Maaaring malanghap nang direkta ng mga bata ang mga mikrobyo. Ngunit maaari din nilang makuha ang virus sa paghawak sa ibabaw kung saan umabot ang mga patak tulad ng mga door knob, laruan, o pasimano. Pagkatapos, pumapasok ang mga mikrobyo sa katawan ng bata kapag hinawakan niya ang kanyang mga mata, ilong, o bibig. Maaari ding kumalat ang sipon mula sa direktang pakikipag-ugnayan sa isang taong may impeksyon gaya ng pagyakap o pakikipagkamay. Hindi sanhi ang sipon ng malamig na klima o pagkalantad sa malamig na hangin.

Bakit nagkakaroon ng sipon at trangkaso ang mga bata?

Mas madalas na magkaroon ang mga bata ng sipon at trangkaso kaysa mga matatanda. Narito ang ilang dahilan kung bakit:

  • Mas kaunti ang panlaban. Hindi kasing lakas ang immune system ng isang bata tulad ng sa matanda pagdating sa paglaban sa mga mikrobyong sanhi ng sipon at trangkaso.

  • Panahon ng taglamig. Nangyayari ang karamihang sakit sa palahingahan sa taglagas at taglamig kapag nasa loob ang mga bata at lantad sa mas maraming mikrobyo.

  • Paaralan o daycare. Madaling kumalat ang sipon at trangkaso kapag nakipag-ugnayan nang malapitan ang mga bata sa isa't isa.

  • Kontak ng kamay patungong bibig. Mas malamang na hawakan ng mga bata ang kanilang mga mata, ilong, o bibig nang hindi naghuhugas ng kanilang mga kamay. Ito ang pinakakaraniwang paraan na kumakalat ang mga mikrobyo.

Paano nada-diagnose ang sipon at ang trangkaso?

Kadalasan, nada-diagnose ng tagapangalaga ng kalusugan ang sipon o trangkaso batay sa mga sintomas ng bata at eksaminasyon ng katawan. Maaari ding sumailalim sa pag-swab ng lalamunan o ilong ang mga bata para suriin kung may bakterya o mga virus. Maaaring magsagawa ang tagapangalaga ng iyong anak ng iba pang pagsusuri, depende sa mga sintomas at pangkalahatang kalusugan ng iyong anak. Maaaring kabilang sa mga pagsusuring ito ang:

  • Kompletong bilang ng dugo (complete blood count o CBC) Tinitingnan ng pagsusuring ito ang mga palatandaan ng impeksiyon.

  • X-ray ng Dibdib. Ginagawa ito para siguruhin na walang pulmonya ang iyong anak.

Paano ginagamot ang sipon at ang trangkaso?

Kusang gumagaling ang karamihang bata mula sa sipon at trangkaso. Hindi gumagana ang mga antibayotiko laban sa mga virus ng sipon, kaya hindi inirereseta ang mga ito. Maaaring makatulong ang mga gamot laban sa virus na mapaikli ang mga sintomas ng trangkaso. Lalo itong mahalaga kung nasa panganib ang bata sa o nagkakaroon ng mga komplikasyon ng trangkaso. Pinakamabisang gumagana ang mga gamot na ito kung sinimulan nang maaga pagkatpos magpakita ng mga sintomas ang bata.

Para sa parehong sakit, maaaring makatulong ang iba pang paggamot upang maibsan ang mga sintomas ng iyong anak hanggang gumaling siya. Upang matulungang bumuti ang pakiramdam ng iyong anak:

  • Bigyan ang iyong anak ng maraming likido, tulad ng tubig, mga electrolyte solution, apple juice, at mainit na sabaw, upang maiwasan ang pagkawala ng likido (dehydration).

  • Magbigay ng bland na diyeta. Kadalasan ang mga batang may sipon o trangkaso ay mas gumagaling sa bland na diyeta. Binubuo ito ng mga pagkaing malambot, hindi masyadong maanghang, at kaunti ang hibla. Maaari mong subukan ang:

    • Mga tinapay, crackers, at pasta na gawa sa pinong puting harina.

    • Mga pinong mainit na cereal, tulad ng oatmeal at Cream of Wheat.

    • Mga katas ng prutas na natunaw sa pamamagitan ng paghahalo ng kalahating tubig at kalahating katas. Huwag bigyan ng maraming katas ng prutas o mansanas ang iyong anak.

  • Tiyaking magkakaroon ng maraming pahinga ang iyong anak.

  • Pagmumugin ng maligamgam na tubig na may asin ang mas matatandang bata kung masakit ang kanilang lalamunan. Huwag magbigay ng mga cough drop o lozenges kung ang iyong anak ay mas bata sa 4 na taon dahil maaari siyang mabulunan sa mga ito

  • Upang mapaginhawa ang paninikip ng ilong, subukan ang mga saline nasal spray. Maaari mong mabili ang mga ito nang walang reseta, at ligtas ang mga ito para sa mga bata. Hindi katulad ang mga ito ng mga nasal decongestant spray. Maaaring mapalubha ng mga spray na iyon ang mga sintomas kung sobra ang paggamit.

    • Isaalang-alang ang paggamit ng malamig na mist humidifier sa silid ng iyong anak. Maaaring mapabuti ng humidified air ang mga sintomas ng pagbabara ng ilong at tumutulong sipon.

    • Linisin ang humidifier nang madalas gaya ng inirerekomenda ng tagagawa upang maiwasan ang pagtubo ng amag at bakterya o pamumuo ng mga mineral.

  • Pamamahala ng Lagnat: Mahigpit na sundin ang mga tagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa kung gaano karami at gaano kadalas dapat kang magbigay ng gamot sa lagnat. Palaging tingnan ang mga tagubilin sa pakete. Maaari mo ring sundin ang mga payo na ito:

    • Huwag balutin ang iyong anak ng mga kumot o karagdagang damit, kahit na siya ay may panginginig. Subukan ang isang layer ng magaan na damit at isang magaan na kumot para matulog.

    • Dapat ang silid ng iyong anak ay komportable, hindi masyadong mainit o masyadong malamig. Gumamit ng fan na may mahinang lakas, kung mainit o masikip ang kwarto.

    • Maligo ng maligamgam o mag-sponge bath upang makatulong na lumamig ang lagnat.

    • Huwag maligo ng malamig, may yelo, o pagkuskos ng alkohol. Madalas na nagdudulot ang mga ito ng panginginig at pinalalala ng mga bagay-bagay.

  • Gumamit ng gamot ayon sa lakas ng mga bata para sa mga sintomas. Talakayin ang lahat ng produktong over-the-counter (OTC), halamang-gamot at mga alternatibong paggamot sa tagapangalaga ng iyong anak bago gamitin ang mga ito. Tandaan: Huwag bigyan ng OTC na mga gamot sa ubo at sipon ang isang batang wala pang 6 na taong gulang maliban kung sabihin sa iyo ng tagapangalaga na gawin ito.

  • Huwag kailanman magbigay ng aspirin sa isang bata o tinedyer na may sipon o trangkaso. Maaari itong magdulot ng bihira ngunit malubhang kondisyon na tinatawag na Reye syndrome.

  • Huwag kailanman magbigay ng ibuprofen sa isang sanggol na may edad na 6 na buwan o mas bata.

  • Panatilihing nasa bahay ang iyong anak hanggang wala na siyang lagnat sa loob ng 24 na oras.

Pag-iwas sa sipon at trangkaso

Tagapangalaga ng kalusugan na nagtuturok sa braso ng batang lalaki habang nakatingin ang babae.

Upang tulungan ang mga bata na manatiling maluson:

  • Pabakunahan ang iyong anak laban sa trangkaso taun-taon. Inirerekomenda ang taun-taong pagbabakuna laban sa trangkaso para sa lahat ng batang may edad na 6 na buwan at mas matanda na may ilang eksepsiyon. Kadalasang ibinibigay ang bakuna bilang isang turok. Maaari ding ibigay ang nasal spray na gawa sa buhay ngunit pinahinang virus ng trangkaso. Ito ay para sa malulusog na batang 2 taon at mas matanda na hindi nabakunahan laban sa trangkaso. Dahil sa COVID-19 at RSV, mahigpit na ipinapayo ng mga eksperto na magpabakuna laban sa trangkaso upang maprotektahan ang iyong sarili, ang iyong pamilya, at ang iba pa. Malamang na kumalat ang lahat ng virus ng trangkaso, COVID-19, at RSV sa panahon ng trangkaso. Maaari ding maging mataas ang panganib para sa malulubhang problema ang mga taong nasa mataas na panganib para sa mga komplikasyon mula sa trangkaso, kaya mahalagang magkaroon ng bakuna laban sa trangkaso.

  • Turuan ang mga bata na hugasan ang kanilang mga kamay nang madalas—bago kumain at pagkatapos gumamit ng banyo, pakikipaglaro sa mga hayop, o pag-ubo o pagbahin. Magdala ng isang gel para sa kamay na may alkohol (nagtataglay ng hindi bababa sa 60% ng alkohol) para sa mga pagkakataon na walang magagamit na sabon at tubig. Dapat ikalat ang mga pagkuskos ng kamay sa buong ibabaw ng mga kamay, daliri, at pulso hanggang matuyo.

  • Paalalahanan ang mga bata na huwag hipuin ang kanilang mga mata, ilong, o bibig.

  • Isaalang-alang ang pagsusuot ng medical mask ng iyong anak kapag nasa paligid ng ibang taong may sipon o trangkaso. Binabawasan ang tsansa na magkaroon ng mga ganitong karamdaman sa paggamit ng medical mask (bilang karagdagan sa pagbawas ng panganib ng COVID-19).

  • Umiwas sa mga taong may sakit hangga't maaari.

Mga payo para sa tamang paghuhugas ng kamay

Gumamit ng malinis at umaagos na tubig at maraming sabon. Pabulain nang mabuti.

  • Linisin ang buong kamay, ang ilalim ng mga kuko, sa pagitan ng mga daliri, at sa mga galang-galangan.

  • Maghugas nang hindi bababa sa 20 segundo (kasing haba ng pagsasabi ng alpabeto o pagkanta ng Happy Birthday). Huwag pupunasan lang—kuskusin nang mabuti.

  • Banlawan nang mabuti. Hayaang dumaloy ang tubig sa mga daliri, hindi pataas sa iyong mga galang-galangan.

  • Sa mga pampublikong palikuran, gumamit ng tuwalyang papel para isara ang gripo at ibukas ang pinto.

Kailan dapat tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak

Tumawag sa tagapangalag ng iyong anak kung hindi gumagaling ang iyong anak o may:

  • Kakapusan ng paghinga o mabilis na paghinga

  • Malapot, dilaw o berdeng kulay na discharge mula sa ilong

  • Malapot na dilaw o berdeng uhog na lumalabas kasama ng pag-ubo

  • Lumulubhang mga sintomas, lalo na pagkatapos ng panahon ng pagbuti

  • Lagnat (tingnan ang Lagnat at mga bata, sa ibaba)

  • Matindi o nagpapatuloy na pagsuka

  • Mga senyales ng pagkawala ng tubig sa katawan. Kabilang dito ang tuyong bibig, matingkad o mabahong ihi o walang ihi sa loob ng 6 hanggang 8 oras, walang luha habang umiiyak, at pagtangging uminom ng mga likido.

  • Hirap magising. Hindi kumikilos nang alerto ang iyong anak o mas komportable kapag bumaba ang kaniyang lagnat.

  • Pananakit sa tainga (paghila ng tainga, pagkabahala sa maliliit na bata o tinedyer)

  • Pananakit o presyon sa ilong

  • Kung wala pang 2 taong gulang ang iyong anak, tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak bago magbigay ng gamot. Kung wala pang tatlong buwang gulang ang iyong anak at nilalagnat, tumawag kaagad sa doktor ng iyong anak.

Lagnat at mga bata

Gumamit ng digital na thermometer para suriin ang temperatura ng iyong anak. Huwag gumamit ng mercury thermometer. Mayroong iba't ibang uri at gamit ang mga digital na thermometer. Kabilang sa mga ito ang:

  • Sa puwit. Para sa mga batang wala pang 3 taong gulang, pinakatumpak ang temperatura sa puwit.

  • Noo (temporal). Gumagana ito sa mga batang nasa edad na 3 buwan at mas matanda. Kung may mga senyales ng sakit ang batang wala pang 3 buwang gulang, maaari itong magamit bilang unang pass. Maaaring nais kumpirmahin ito ng tagapangalaga gamit ang temperatura sa puwit.

  • Tainga (tympanic). Tumpak ang temperatura sa tainga pagkatapos ng edad na 6 na buwan, ngunit hindi bago ang edad na ito.

  • Kili-kili (axillary). Ito ay hindi gaanong maaasahan ngunit maaaring magamit para sa unang pass upang tingnan ang batang anuman ang edad na may mga palatandaan ng sakit. Maaaring nais kumpirmahin ito ng tagapangalaga gamit ang temperatura sa puwit.

  • Bibig (oral). Huwag gumamit ng thermometer sa bibig ng iyong anak hanggang sa siya ay hindi bababa sa 4 na taong gulang.

Gamitin ang thermometer sa puwit nang may pag-iingat. Sundin ang mga direksyon ng gumagawa ng produkto para sa tamang paggamit. Dahan-dahan itong ipasok. Pangalanan ito at tiyaking hindi ginagamit sa bibig. Maaari din itong magpasa ng mga mikrobyo mula sa dumi. Kung hindi ka OK sa paggamit ng thermometer sa puwit, itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung anong uri ang gagamitin sa halip. Kapag makikipag-usap ka sa sinumang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa lagnat ng iyong anak, sabihin sa kanya kung anong uri ang ginamit mo.

Nasa ibaba ang kung kailan dapat tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan kung may lagnat ang iyong anak. Maaari kang bigyan ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak ng iba’t ibang numero. Sundin ang kanyang mga tagubilin.

Kailan dapat tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa lagnat ng iyong anak

Para sa isang sanggol na wala pang 3 buwang gulang:

  • Una, itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung paano mo dapat kuhanin ang temperatura.

  • Puwit o noo: 100.4°F (38°C) o mas mataas

  • Kili-kili: 99°F (37.2°C) o mas mataas

  • Lagnat na ___________ayon sa ipinayo ng tagapangalaga

Para sa batang edad 3 buwan hanggang 36 na buwan (3 taon):

  • Puwit o noo: 102°F (38.9°C) o mas mataas

  • Tainga (ginagamit lamang sa edad na higit sa 6 na buwan): 102°F (38.9°C) o mas mataas

  • Lagnat na ___________ ayon sa ipinayo ng tagapangalaga

Sa ganitong mga kaso:

  • Temperatura sa kili-kili na 103°F (39.4°C) o mas mataas sa isang bata anuman ang edad

  • Temperatura na 104°F (40°C) o mas mataas sa isang bata anuman ang edad

  • Lagnat na ___________ ayon sa ipinayo ng tagapangalaga

Online Medical Reviewer: Jessica Gotwals RN BSN MPH
Online Medical Reviewer: Raymond Turley Jr PA-C
Online Medical Reviewer: Vinita Wadhawan Researcher
Date Last Reviewed: 8/1/2024
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer