Search Results
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pag-unawa sa Pagputol ng Binti: Operasyon para sa Medikal na Kondisyon

Sinabihan ka ng isang tagapangalaga ng kalusugan na kailangan mong magpaputol ng binti. Tinatanggal ng operasyong ito ang bahagi o lahat ng iyong binti. Ginagawa ito dahil maysakit ang tisyu sa binti at hindi na mapagagaling. O maaaring kailangan ito upang maiwasan ang pagkalat ng sakit sa iyong katawan. Ang layunin ng operasyon ay upang maibalik ang iyong kakayahang gumana. Ito ay dahil ang pag-alis ng maysakit na bahagi ng iyong binti ay maaaring magpabuti sa iyong kabuuang kalusugan.

Bakit kailangan ang pagputol

Makikipagtulungan sa iyo ang iyong tagapangalaga ng kalusugan at team upang bumuo ng plano ng paggamot. Maging aktibo sa iyong tungkulin sa iyong pangangalaga at magtanong. Karaniwang ginagawa lamang ang pagputol pagkatapos subukan ng mga tagapangalaga ng kalusugan na gamutin ang problema sa iba pang paraan. Natukoy nila na hindi kayang pagalingin ng iyong katawan ang pinsala sa tisyu sa iyong binti. Maaaring malubha ang impeksiyon ng tisyu o di kaya'y patay na. Kasama sa pinakakaraniwang sanhi ng pinsala sa tissue ang:

  • Mga ulser sa paa (mga sugat) dahil sa diabetes

  • Nabawasan ang daloy ng dugo na dulot ng peripheral vascular disease (PVD)

  • Mga tumor dahil sa kanser

  • Malubhang impeksiyon na nagresulta mula sa mga sugat

  • Matinding trauma

Tungkol sa operasyon

Ililigtas ng siruhano ang karamihan sa iyong binti hangga't maaari. Maaaring kasama rito ang mga kasukasuan, gaya ng tuhod. Ngunit maaaring hindi mo alam bago ang operasyon kung gaano kalaki ang matitira sa binti. Kung minsan, kailangan ng isa pang operasyon kinalaunan upang alisin ang higit pa sa binti. Ginagawa ito upang maingatan ang iyong kalusugan at mapabuti ang paggaling.

Mga itatanong

Magtanong sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa anumang bagay na hindi malinaw sa iyo. Halimbawa ng mga itatanong:

  • Paano pamamahalaan ang aking pananakit?

  • Kailan ako makatatayo pagkatapos ng operasyon?

  • Makakakuha ba ako ng prosthesis?

  • Saan ako makakakita ng suporta pagkatapos ng aking amputation?

  • Kailan ako magsisimulang mag-therapy pagkatapos ng operasyon?

Pagkatapos ng operasyon

Pamamahala sa pananakit

Mamanmanan ang iyong pananakit sa lahat ng yugto ng iyong paggaling. Makipag-usap sa iyong team ng pangangalaga tungkol sa mga opsyon para sa gamot at iba pang paggamot para makatulong na makontrol ang iyong pananakit. Kapag nagising ka kaagad pagkatapos ng operasyon, iinom ka ng gamot sa pananakit para makatulong na mapanatili kang komportable.

Rehabilitasyon

Magkakaroon ka ng isang team ng rehab na maaaring kasama ang mga doktor, therapist, prosthetist, surihano, nars, at iba pang sangkot sa iyong pangangalaga. Ikaw ang pinakamahalagang miyembro ng iyong team.

Pagkatapos mismo ng operasyon, magkakaroon ka ng splint o iba pang anyo ng tapal sa iyong binti. Tumutulong ito na makontrol ang pamamaga at tumutulong sa paghilom. Maaari kang magsimula ng rehab, kabilang ang physical therapy (PT), pagkatapos ng operasyon, depende sa iyong kalusugan. Ang layunin ng rehab ay tulungan kang maabot ang iyong pinakamahusay na antas ng kalusugan at kalidad ng buhay at suportahan ang iyong kalayaan sa paglalakad at pang-araw-araw na mga gawain. Pinalalakas ng PT ang iyong mga kalamnan at tumutulong na maiwasan ang pagkabanat ng kalamnan o kasukasuan. Matututunan mo rin kung paano ligtas na lumipat sa pagitan ng iyong kama at iba pang ibabaw, gaya ng isang upuan. Tumutulong ito na maiwasan ang pagkahulog o pagtumba at pinoprotektahan ang iyong sugat habang ito ay gumagaling. Kapag handa ka na, maaari kang makagalaw sa paligid gamit ang walker o mga saklay. At kapag gumaling na ang iyong sugat, maaari kang makakuha ng artipisyal na binti. Ngunit maaaring kailanganin mong maghintay ng ilang panahon hanggang sa humupa ang pamamaga sa iyong binti upang magkasya nang maayos ang prosthetic.

Pamumuhay nang walang binti

Ang pagkawala ng binti ay nakakapagpabago ng buhay. Normal na makaramdam ng pagkabalisa, kalungkutan, takot, galit, o kahit na gumaan pagkatapos ng operasyon. Malamang na marami kang tanong o alalahanin tungkol sa iyong hinaharap. Maaaring naisin mong makipag-usap sa isang dalubhasa sa mga emosyonal na pagbabago, tulad ng isang psychologist. Isaalang-alang ang pakikipag-usap sa iba na nagkaroon ng pagputol, tulad ng sa isang pangkat ng suporta ng mga kasamahan. Tandaan na ang layunin ng operasyong ito ay ibalik ang paggana at suportahan ang iyong kalayaan. Ito ay upang mapabuti ang iyong kalusugan at maaari kang mabuhay nang mas ganap. Tingnan sa ibaba kung saan ka makahahanap ng karagdagang suporta.

Mga pangmatagalang alalahanin

Ang mga problema sa kalusugan na humantong sa pagkaputol ay maaari pa ring makaapekto sa iyong buong (natural) binti. Makipagtulungang mabuti sa iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan upang pamahalaan ang iyong pangkalahatang kalusugan. Maging aktibo hangga't kaya mo. Ngunit bantayang mabuti ang iyong buong paa at binti. Maingat na tingnan ang mga sugat na hindi gumagaling o mga bahagi na nagbabago ang kulay o nawawalan ng pakiramdam. Inumin ang lahat ng gamot ayon sa tagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Makatutulong ito na hindi ka na kailangang sumailalim sa isa pang operasyon.

Mga tala para sa pamilya at mga kaibigan

Kapag ang isang taong mahalaga sa iyo ay nagkaroon ng pagputol, maaari itong maging isang pagkabigla. Maaari kang magtaka kung ang iyong mahal sa buhay ay magagawang pangalagaan ang kanyang sarili. Maaaring hindi mo alam kung paano tumugon sa mga pagbabago sa kanyang katawan. Normal ang mga alalahaning ito. Magtatagal para makapag-adjust ang buong pamilya. Tandaan na ang pagkawala ng binti ay hindi binabago kung sino ang isang tao. Sa ngayon, kakailanganin ng iyong mahal sa buhay ang iyong kumpletong suporta. Gumawa ng aktibong papel sa kanyang pangangalaga. Tumulong sa pagkolekta at pag-alala ng impormasyon, tulad ng mga gamot at mga appointment sa tagapangalaga ng kalusugan. Pinakamahalaga, kailangan ng iyong kapamilya o kaibigan ang iyong pang-unawa at pasensya. Huwag kalimutang makinig. Hayaang sabihin nila sa iyo kung anong uri ng suporta ang kailangan. Upang matuto nang higit pa tungkol sa pag-a-adjust sa pagkawala ng binti, tingnan sa ibaba. 

Upang malaman ang higit pa

Upang malaman ang higit pa tungkol sa pagkawala ng binti at upang makakuha ng suporta, makipag-ugnayan sa:

Online Medical Reviewer: Raymond Turley Jr PA-C
Online Medical Reviewer: Stacey Wojcik MBA BSN RN
Online Medical Reviewer: Thomas N Joseph MD
Date Last Reviewed: 7/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer