Ano ang Sexually Transmitted Disease (STD)?
Ang sexually transmitted infection (STI o impeksiyon na naipapasa sa pakikipagtalik) ay isang impeksiyon na naikakalat sa pakikipagtalik. Maaari ding tawagin ang isang STI bilang STD (sakit na naipapasa sa pakikipagtalik). Maaari kang mahawahan ng STI kung ikaw ay nakipagtalik sa isang taong may STI. Maikakalat ang mga impeksiyong ito ng anumang pagtatalik na ginamit ang ari, puwit, o bibig ng lalaki at babae. Naikakalat din ang ilang STI sa pamamagitan ng mga likido sa katawan tulad ng semilya, likido mula sa puwerta, o dugo. Ang iba naman ay kumakalat sa paghipo sa apektadong balat. Ang mga pinakakaraniwang STI ay chlamydia, genital warts, genital herpes, syphilis, HIV, gonorrhea, at trichomoniasis.
Sino ang nanganganib?
Kahit sinong nagtatalik ay maaaring magkaroon ng STI. Mas nanganganib ka kung:
-
Nakikipagtalik ka sa higit sa 1 kapareha. Habang dumarami ang iyong mga kasiping, mas tumataas ang iyong panganib.
-
Ang iyong kasiping ay may iba pang mga kasiping. Kung nahawahan ng STI ang iyong kasiping, maaaring mahawa ka rin.
-
Ikaw o ang iyong kasiping ay nakipagtalik sa iba pang tao sa nakaraan. Alinman sa inyo ay maaaring may dalang STI na galing sa dating kasiping.
-
Mayroon kang STD. Dahil sa mga sugat o iba pang mga problemang pangkalusugan na dulot ng STI, mas malamang na mamiligro ka na magkaroon ng mga bagong impeksiyon. Mananatiling mataas ang iyong panganib hangga't hindi nagagamot ang iyong kasalukuyang STI at kung hindi mo babaguhin ang mga nakagawian na nagiging sanhi ng iyong panganib sa kasalukuyang impeksiyon.
Pigilin ang mga problema sa hinaharap
Kapag hindi nagamot, maaaring maging napakasakit ng ilang STI o maaaring humantong sa kanser o, bihira, sa kamatayan. Maaaring makapinsala ang ilan sa mga hindi pa isinisilang na sanggol na ang mga ina ay nahawahan. May ilan na maaaring magdulot ng pagkabaog (hindi maaring magkaanak) o maaaring makaapekto sa mga pagbabago sa pag-uugali o ang iyong kakayahang mag-isip. Maaari mong pigilin ang mga problemang ito sa pamamagitan ng mas ligtas na pakikipagtalik, palagiang pagpapasuri, at maagap na pagpapagamot. Laging gumamit ng kondom na goma kapag nakikipagtalik ka. Magpasuri kung ikaw ay nanganganib. At magpagamot nang maaga kung mayroon kang STI.
 |
Ang paggamit ng kondom tuwing nakikipagtalik ay maaring makabawas sa panganib ng STIs. |
Pagpapasuri
Ang tanging paraan para matiyak kung mayroon kang STI ay ang pagpapasuri sa isang tagapangalaga ng kalusugan. Kung mayroon kang napansing pagbabago sa anyo o pakiramdam ng iyong katawan, ipasuri mo. Ngunit tandaan, hindi palaging nagpapakita ng mga sintomas ang mga STI. Kaya kung ikaw ay nasa panganib na magka-STI, regular na magpasuri. Kung malaman mo na mayroon kang STI, siguraduhin din na ang iyong kasiping ay magpapagamot. Kung hindi, nasa panganib ang kanyang kalusugan. At kung hindi nagpagamot ang iyong kasiping, maaari niyang ipasa ang STI pabalik sa iyo, o sa iba pang tao.
Mga karaniwang sintomas
Maging alerto sa anumang pagbabago sa iyong katawan at katawan ng iyong kasiping. Maaaring lumitaw ang mga sintomas sa loob o malapit sa puwerta, ari ng lalaki, tumbong, bibig, o lalamunan. Maaaring kabilang ang mga:
-
Hindi karaniwang lumalabas sa ari
-
Mga bukol, pamamaga, o pantal
-
Mga sugat na maaaring masakit, makati, o di-sumasakit
-
Makating balat
-
Mahapdi kapag umiihi
-
Pananakit sa balakang, tiyan (abdomen), o tumbong
-
Pagdurugo mula sa tumbong
Kahit na wala kang sintomas
Maaari kang magkaroon ng STI kahit na wala kang mga sintomas. Kung sa tingin mo na ikaw ay nanganganib, magpasuri. Pumunta sa isang klinika o sa tagapangalaga ng iyong kalusugan. Kung ang iyong kasiping ay may STI, kailangan mong magpasuri kahit na mabuti ang iyong pakiramdam.
Mga bakuna upang mapigilan ang sakit
Magagamit ang mga bakuna upang mapigilan ang hepatitis A at hepatitis B. Ito ang 2 sa mga uri ng STI. Mayroon ding isang bakuna upang mapigilan ang human papillomavirus (HPV). Isa itong virus na maaaring maipasa mula sa isang tao patungo sa isa pa sa pamamagitan ng pakikipagtalik. Tanungin ang iyong tagapangalaga ng kalusugan kung ang alinman sa mga bakunang ito ay mabuti para sa iyo.