Mga Impeksiyon sa Daanan ng Ihi sa Kababaihan
Kadalasang sanhi ng bakterya ang mga Impeksyon sa Daanan ng Ihi (Urinary Tract Infections, UTI). Ang mga bakteryang ito ay pumapasok sa daanan ng ihi. Maaaring magmula ang bakterya sa loob ng katawan. O maaaring dumaan ito mula sa balat sa labas ng tumbong o pwerta papasok sa urethra. Pinadadali ng anatomiya ng babae na makapasok ang bakterya mula sa dumi patungo sa daluyan ng ihi ng isang tao. Ito ang pinakakaraniwang pinagmumulan ng mga UTI. Ibig sabihin, madalas na nagkakaroon ng UTI ang mga babae kaysa mga lalaki.
Karaniwang sintomas ng UTI ang pananakit sa loob o palibot ng daanan ng ihi. Ngunit ang pagsusuri ng iyong ihi ng tagapangalaga ng kalusugan lamang ang paraan upang masigurong mayroon kang UTI. Ang dalawang pagsusuri na maaaring gawin ay urinalysis at urine culture. Sinasabi ng mga pagsusuring ito sa iyong tagapangalaga kung mayroon kang UTI at kung anong uri ng bakterya ang nagdudulot nito.
Ginagamit dito ang mga salitang batay sa kasarian upang talakayin ang tungkol sa anatomiya at panganib sa kalusugan. Mangyaring gamitin ang impormasyong ito sa isang paraan na pinakamahusay na gumagana para sa iyo at sa iyong tagapangalaga habang pinag-uusapan ninyo ang iyong pangangalaga.

Mga uri ng UTI
-
Cystitis. Ang pinakakaraniwang UTI sa kababaihan ay impeksyon sa pantog (cystitis). Maaari kang magkaroon ng isang madalian o madalas na pangangailangang umihi. Maaaring makaramdam ka rin ng pananakit, paghapdi kapag umiihi, at may dugong ihi.
-
Urethritis. Ito ay isang namamagang urethra. Ito ang tubo na nagdadala ng ihi mula sa pantog palabas ng katawan. Maaaring makaramdam ka ng pananakit sa ibabang bahagi ng tiyan o likod. Maaari ding mayroon kang madalian o madalas na pangangailangang umihi.
-
Pyelonephritis. Isa itong impeksyon sa bato. Maaari itong maging malubha at mapinsala ang iyong mga kidney kung hindi malunasan. Maaaring kailanganin mong manatili sa ospital sa malulubhang kaso. Maaaring magkaroon ka ng lagnant at pananakit ng ibabang bahagi ng likod.
Mga gamot para sa UTI
Karamihan ng UTI ay nagagamot ng mga antibayotiko. Pinapatay nito ang bakterya. Nakadepende sa uri ng impeksiyon ang haba ng panahon na kailangan mong inumin ang mga ito. Maaaring kasing ikli ito ng 3 araw lang. Maaaring kailangan mo ng mababang dosis ng antibayotiko sa loob ng ilang buwan kung mayroon kang paulit-ulit na UTI. Inumin ang mga antibayotiko nang eksakto ayon sa itinagubilin. Huwag hihinto sa pag-inom nito hanggang sa maubos ang lahat ng gamot, kahit pa mabuti na ang iyong pakiramdam. Maaaring hindi tuluyang mawala ang impeksiyon at bumalik kung masyadong maaga kang tumigil sa pag-inom ng antibayotiko. Maaari ka ring magkaroon ng resistensya sa antibayotiko. Gagawin nitong mas mahirap ang gamutan.
Pagbabago ng istilo ng pamumuhay para lunasan at maiwasan ang mga UTI
Ang mga pagbabago ng istilo ng pamumuhay na makikita sa ibaba ay makakatulong na mawala ang iyong UTI. Maaari ring makatulong ang mga ito na maiwasan ang pagkakaroon ng mga UTI sa hinaharap.
-
Uminom ng maraming likido. Kasama rito ang tubig, juice, at iba pang inumin na walang caffeine. Tumutulong sa pag-alis ng bakterya mula sa iyong katawan ang mga likido.
-
Alisin ang laman ng iyong pantog. Palaging alisin ang laman ng iyong pantog kapag nakaramdam ka ng pag-ihi. At laging umihi bago matulog. Maaaring humantong sa impeksiyon ang ihi na nananatili sa iyong pantog. Subukan ding umihi bago at pagkatapos makipagtalik.
-
Isagawa ang mabuting personal na kalinisan ng katawan. Punasan ang iyong sarili mula sa harap hanggang sa likod pagkatapos gumamit ng banyo. Tumutulong ito na maiwasang makapasok ang bakterya sa urethra.
-
Magsuot ng cotton na panloob. Huwag magsuot ng synthetic o masikip na panloob na pwedeng makapang-ipon ng pamamasa. Kaagad palitan ang basang panligo at damit sa pag-eehersisyo.
-
Mag-shower. Ang pagsa-shower ay mas mabuti kaysa sa paglublob sa pag-iwas sa UTI.
-
Gumamit ng condom sa pakikipagtalik. Tumutulong ang mga ito na maiwasan ang mga UTI na dulot ng bakterya na naililipat sa pakikipagtalik. Huwag ding gumamit ng spermicide habang nakikipagtalik. Pwede nitong pataasin ang panganib na magkaroon ng mga UTI. Sa halip, pumili ng ibang anyo ng pagkontrol sa pagbubuntis. Maaaring gumamit ng mababang dosis ng isang pang-iwas na antibayotiko ang kababaihang madalas makakuha ng mga UTI pagkatapos ng pakikipagtalik. Siguraduhing sabihin ang pagpiling ito sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.
-
Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ayon sa ipinayo. Maaaring gumawa sila ng pagsusuri para tiyaking wala na ang impeksyon. Kung kinakailangan, maaaring simulan ang higiti pang gamutan.
Online Medical Reviewer:
Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer:
Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Date Last Reviewed:
8/1/2023
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.