Search Results
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Mababang Asukal sa Dugo (Hypoglycemia)

Ibig sabihin ng mababang asukal sa dugo (hypoglycemia) na wala kang sapat na asukal (glucose) sa iyong daluyan ng dugo para tulungang gumana ang iyong katawan. Maaaring isa itong antas ng asukal na mas mababa sa 70 mg/dL. Ngunit makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iyong sariling target na range. Itanong kung anong antas ang sobrang mababa para sa iyo.

Hindi nagdudulot ng mababang asukal sa dugo ang diabetes. Ngunit maaaring mapataas ng ilang paggamot sa diabetes ang panganib nito. Kabilang sa mga ito ang mga gamot na iniinom o insulin. Maaari ding pataasin ng paglaktaw o pag-antala sa pagkain ang iyong panganib para sa hypoglycemia. Sa malulubhang kaso, maaari kang mawalan ng malay o magkaroon ng kombulsyon dahil sa mababang asukal sa dugo. Isa itong medikal na emergency. Kaya laging gamutin kaagad ang mababang asukal sa dugo gaya ng nabanggit sa ibaba. Ito ay para maiwasan ang mas malulubhang problema.

Mensaheng pangkaligtasan

Laging magdala ng pinagmumulan ng asukal na mabilis ang bisa at meryenda kung sakaling magkaroon ka ng mababang asukal sa dugo. Kabilang sa mga halimbawa ang:

  • 4 na tableta ng glucose

  • 1 tubo ng glucose gel

  • 1 pakete ng asukal o honey

  • 2 kutsara ng pasas

Mga sintomas ng mababang asukal sa dugo

Kung mayroon kang mababang asukal sa dugo, maaaring magkaroon ka ng 1 o higit pa sa mga sintomas na ito:

  • Panginginig

  • Pagkahilo

  • Malamig at nanlalagkit na balat o pamamawis

  • Pagkagutom

  • Pananakit ng ulo

  • Nakakaramdam ng nerbiyos

  • Malakas at mabilis na tibok ng puso

  • Panghihina

  • Pagkalito o pagkairitable

  • Nahihirapang makakita o magsalita

  • Pagkakaroon ng mga bangungot o paggising na nalilito o namamawis

  • Pamamanhid o panginginig sa mga labi o dila

Ano ang gagawin

Kung sa palagay mo ay mayroon kang mababang asukal sa dugo: 

  1. Suriin ang iyong asukal. Una, suriin ang iyong asukal sa dugo. Kung napakababa ito (wala sa iyong target na hangganan), kumain o uminom ng 15 hanggang 20 gram ng mabilis kumilos na asukal. Maaaring ito ay 3 hanggang 4 na tableta ng glucose, 4 na onsa (kalahating tasa) ng katas ng prutas o regular (hindi diet) na soda, o 1 kutsara ng honey. Huwag kumonsumo ng mahigit pa dito. Kung gagawin mo ito, maaaring tumaas nang labis ang iyong asukal sa dugo.

  2. Huwag kumain ng protina. Huwag kumain o uminom ng mga bagay na mataas sa protina para gamutin ang mababang asukal sa dugo. Kabilang dito ang gatas, mga mani, at karne. Maaaring pataasin ng protina ang iyong pagtugon sa insulin. Maaari nitong mas pababain pa ang iyong asukal sa dugo.

  3. Suriin muli. Maghintayin ng 15 minuto. Pagkatapos, muling suriin ang iyong asukal sa dugo kung magagawa mo. Kung napakababa pa rin ng iyong asukal sa dugo, ulitin ang mga hakbang sa itaas hanggang bumalik sa normal ang iyong asukal sa dugo.

  4. Kumain ng meryenda. Kapag bumalik sa target na range ang iyong asukal sa dugo, kumain ng meryenda o pagkain.

  5. Humingi ng tulong kung kinakailangan. Kung hindi pa rin maganda ang iyong pakiramdam at mababa pa rin ang iyong asukal sa dugo, magpamaneho sa isang tao patungo sa emergency room.

Babaeng umiinom ng katas ng prutas mula sa tasa.

Pag-iwas sa mababang asukal sa dugo

Kabilang sa sumusunod ang mga bagay na maaari mong gawin: 

  • Kung kailangan ng iyong diabetes ang mahigpit na plano ng paggamot, kumain ng mga pagkain at meryenda sa magkakatulad na oras bawat araw. Huwag laktawan ang mga pagkain. Kung mayroon kang problema sa pagbabayad ng pagkain, makipag-usap sa iyong pangkat na tagapangalaga ng kalusugan para sa tulong.

  • Kung pinapayagan ng iyong plano ng paggamot na baguhin mo kung kailan at kung ano ang iyong kakainin, pag-aralan kung paano babaguhin ang oras at dosis ng iyong insulin na mabilis ang bisa upang tumugma rito. 

  • Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung ligtas na uminom ng alak. Ngunit huwag kailanman uminom kapag walang laman ang tiyan. Maaaring pigilan ng alak na maramdaman mo ang mga unang sintomas ng mababang asukal sa dugo.

  • Inumin ang iyong gamot sa inihatol na mga oras.

  • Laging magdala ng pinagmumulan ng mabilis kumilos na asukal at isang meryenda kapag malayo ka mula sa bahay.

Kung nagkaroon ka ng paulit-ulit na mga episode ng mababang asukal sa dugo:

  • Maaaring hindi mo mapansin ang mga sintomas ng mababang asukal sa dugo hanggang umabot ito sa mapanganib na antas. Makipagtulungan sa iyong tagapangalaga para sa pinakamahusay na paraan upang ligtas na pamahalaan ang iyong asukal sa dugo.

  • Magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung maaari kang uminom ng mas kaunti o ibang gamot. Maraming mas bagong uri ng mga gamot sa diabetes ang may mas kaunting panganib ng mababang asukal sa dugo.

  • Makipag-usap sa iyong tagapangalaga tungkol sa continuous glucose monitor. Isa itong device na sumusubaybay sa iyong asukal sa dugo.

  • Magtanong sa iyong tagapangalaga kung dapat kang resetahan ng gamot na tinatawag na glucagon. Ang glucagon ay isang hormone na mabilis na nagpapataas ng asukal sa dugo. Maaari nitong baligtarin ang malulubhang sintomas. Available ito bilang isang iniksyon o bilang isang pulbos na inilalagay sa ilong. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung anong uri ng glucagon ang pinakamainam para sa iyo at kung paano ito gamitin.

Iba pang payong pangkaligtasan

Tiyakin na:

  • Magdala ng isang card ng medikal ID o magsuot ng pulseras o kuwintas na alertong medikal. Dapat nitong sabihin na mayroon kang diabetes. Dapat nitong sabihin kung ano ang dapat gawin kung mawalan ka ng malay o magkaroon ng kombulsyon.

  • Ituro sa iyong pamilya, mga kaibigan, at kasamahan sa trabaho ang mga palatandaan ng mababang asukal sa dugo. Sabihin sa kanila kung ano ang dapat gawin kung bumagsak nang napakababa ang iyong asukal sa dugo at hindi mo magamot ang iyong sarili.

  • Panatilihing laging handa ang isang glucagon emergency kit. Ipakita sa iyong pamilya, mga kaibigan, at kasamahan sa trabaho kung paano at kailan ito gagamitin. Suriin ito nang madalas. Palitan ang glucagon bago ito mag-expire.

  • Makipag-usap sa iyong pangkat ng tagapangalaga ng kalasugan tungkol sa iba pang bagay na maaari mong gawin upang mapigilan ang mababang asukal sa dugo. Kabilang sa mga ito ang paggamit ng mga bagong paraan ng patuloy na pagmamanman ng glucose.

 Mahalaga

Tumawag sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon kang hindi maipaliwanag na mababang asukal sa dugo o pagkakaroon nito nang ilang beses.

Online Medical Reviewer: Michael Dansinger MD
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer: Rita Sather RN
Date Last Reviewed: 9/1/2023
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer