Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pangangalaga sa Sugat Pagkatapos Alisin o Palitan ang Tapal

Espesyal na uri ng pantapal ang packing o tapal na inilalagay sa loob ng ilang sugat para matulungan ang mga ito na gumaling. Pagkaalis ng tapal, kailangan mong pangalagaan ang iyong sugat. Tumutulong ang mabuting pangangalaga sa sugat upang maiwasan ang impeksiyon. Siguraduhing ipagpatuloy ang lahat ng follow-up na appointment sa iyong tagapangalaga ng kalusugan. Sundin ang mga tagubiling ito para alagaan ang iyong sugat kapag nasa bahay ka na.

Pangangalaga sa tahanan

Maaaring magreseta ng mga gamot para sa pananakit ang iyong tagapangalaga ng kalusugan. O maaari niyang imungkahi ang over-the-counter (OTC) na pamawi ng kirot, gaya ng ibuprofen, naproxen, o acetaminophen. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga bago inumin ang anumang gamot na OTC kung mayroon kang hindi gumagaling na sakit sa atay o bato, ulcer sa sikmura, o pagdurugo sa sikmura at bituka. Sa ilang kaso, maaaring kailanganin mo ring uminom ng mga antibiotic para tumulong na maiwasan, o gamutin, ang impeksiyon. Kung gayon, inumin ang mga ito nang eksakto ayon sa at hanggang itinatagubilin. Huwag ihinto ang pag-inom sa iyong mga antibiotic hanggang maubos ang mga ito, kahit bumuti na ang iyong pakiramdam.

Narito ang ilang pangkalahatang alituntunin sa pangangalaga ng iyong sugat:

  • Sundin ang mga tagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan sa kung paano pangangalagaan ang iyong sugat. Hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis na dumadaloy na tubig bago at pagkatapos alagaan ang iyong sugat. Kung mayroon kang disposable na plastik na guwantes, isuot ang mga iyon upang pangalagaan ang iyong sugat. Pagkatapos, itapon nang maayos ang mga ito.

  • Kung nilagyan ng benda, tanggalin at palitan ito isang beses sa isang araw o ayon sa itinagubilin. Kung mabasa o marumihan ang benda, palitan ito ng bago sa lalong madaling panahon. Gumamit ng malinis na tela upang dahan-dahang tapikin ang sugat hanggang matuyo.

  • Kung pinalitan ang iyong tapal, maaaring may maiwang maliit na piraso ng gasa mula sa sugat. Hinahayaan nito ang likido, dugo, at posibleng nana na magpatuloy na tumagas mula sa sugat. Maaaring kailanganin mong gumamit ng ointment o cream para mapigilang dumikit ang tapal sa benda.

  • Huwag maligo sa tub o basain ang iyong sugat hangga't di-sabihin ng iyong tagapangalaga na OK na. Mag-shower o magbimpo sa halip. Huwag maglangoy.

  • Huwag kamutin, kiskisin, kuskusin, o sungkitin ang iyong sugat.

  • Suriin ang iyong sugat araw-araw para sa mga palatandaan ng impeksiyon na nakalista sa ibaba.

Isinara ang iyong sugat ng mga tahi (suture), mga piraso ng surgical tape, glue para sa balat, o mga staple. Magpapasya ang iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa pinakamagandang pagsasara batay sa laki at lokasyon ng iyong sugat. Nangangailangan ng partikular na pangangalaga ang bawat uri ng pagsasara.

  • Mga tahi. Maaari mong naising linisin ang sugat araw-araw pagkatapos ng unang 2 hanggang 3 araw. Para gawin ito, alisin ang benda at maingat na hugasan ang bahagi gamit ang banayad na sabon at malinis na dumadaloy na tubig. Pagkatapos linisin, pahiran ng manipis na antibiotic ointment kung ipinayo. Pagtapos lagyan ng bagong benda. Madalas na kailangang tanggalin ng tagapangalaga ng iyong kalusugan ang mga tahing nasa labas ng balat.

  • Surgical tape. Panatilihing tuyo ang bahagi. Kung mabasa ito, patuyuin ito gamit ang tuwalya. Kadalasang nalalaglag ang mga pagsasarang surgical tape pagkaraan ng 7 hanggang 10 araw. Kung hindi pa natanggal ang mga ito pagkatapos ng 10 araw, maaaring ikaw mismo ang magtanggal ng mga ito. Upang tanggalin ang tape, basa-basain ito ng maligamgam na tubig at marahan itong hilahin mula sa bawat dulo papunta sa gitna. Pagkatapos, irolyo ito patagilid para hindi mahila at mabuksan muli ang sugat. Kung sobrang dumikit ang pandikit, maaari kang maglagay ng mineral oil o petroleum jelly sa isang cotton ball para marahang kuskusin ang pandikit at paluwagin ito.

  • Glue para sa balat. Maaari kang mag-shower o maligo gaya ng dati. Pero huwag gumamit ng mga sabon, lotion, o ointment sa lugar ng sugat. Huwag kuskusin ang sugat. Matapos maligo, patuyuin ang sugat gamit ang malambot na tuwalya. Huwag magpahid ng mga likido gaya ng peroxide, ointment, o cream sa sugat habang nakalagay ang glue. Huwag kamutin, kukuskusin, o susungkitin ang glue. Huwag ilagay nang direkta ang tape sa ibabaw ng glue. Matatanggal nang kusa ang glue para sa balat sa loob ng 5 hanggang 10 araw. Kung hindi ito matuklap sa loob ng 10 araw, marahang kuskusin ng petroleum jellly o antibacterial ointment ang glue hanggang lumuwag ito.

  • Mga staple. Mag-shower o magbimpo. Huwag maligo sa tub. Huwag gumamit ng mga lotion sa lugar ng sugat. Maaaring linisin ang lugar gamit ang banayad na sabon at tubig 2 hanggang 3 araw pagkatapos lagyan ng staple ang sugat. Huwag kuskusin ang sugat. Patuyuin ito gamit ang malinis at malambot na tela o tuwalya. Maaari kang gumamit ng antibayotikong ointment kung sinabi sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan. Kakailanganing tanggalin ang mga staple sa loob ng 10 hanggang 14 na araw.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa itinagubilin. Kung pinalitan ang iyong tapal, maaaring kailanganin mo ang isa pang pagbisita sa loob ng 1 hanggang 3 araw para alisin o palitan ito. Kung mayroon kang mga tahi o staple, bumalik para sa pag-aalis ng mga ito ayon sa itinagubilin.

Kailan dapat humingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon ka ng anumang palatandaan ng impeksiyon:

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan

  • Tumitinding kirot sa sugat o pananakit na hindi gumagaling kahit may gamot sa pananakit

  • Tumitinding pamumula o pamamaga

  • Tumatagas na nana o mabahong likido mula sa sugat. Maaaring normal ito para sa pigsa na nabuksan na o natapalan. Ngunit dapat itong gumaling sa loob ng ilang araw. Hindi ito dapat mangyari sa iba pang uri ng mga sugat.

Tumawag din kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:

  • Nagdurugo ang sugat mo nang marami-rami o hindi naaampat ang pagdurugo.

  • May pamamanhid o panghihina ka sa lugar ng sugat at hindi nawawala.

Online Medical Reviewer: Jonas DeMuro MD
Online Medical Reviewer: Ronald Karlin MD
Online Medical Reviewer: Tara Novick
Date Last Reviewed: 2/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer