Epigastrikong Pananakit (Hindi Tiyak na Sanhi)

Ang epigastrikong pananakit ay pananakit sa itaas na bahagi ng tiyan. Maaaring ito ay senyales ng sakit. Kabilang sa mga karaniwang sanhi ang:
-
Acid Reflux (asido mula sa sikmura na umaakyat patungo sa esophagus)
-
Gastritis (pagkairita ng sapin sa loob ng sikmura) Karaniwan na ito ay dahil sa aspirin o mga gamot na NSAID tulad ng ibuprofen, bakterya na tinatawag na H. pylori, o madalas na pag-inom ng alak.
-
Sakit na peptic ulcer
-
Pamamaga ng lapay
-
Bato sa apdo (gallstone)
-
Impeksyon sa apdo
Ang pananakit ay maaaring bahagya o mahapdi. Maaari itong kumalat paitaas sa dibdib o sa likod. Maaaring mayroong ibang mga sintomas tulad ng pagdighay, bloating, pamumulikat o pananakit na gutom. Maaaring mayroong pagkababa ng timbang o hindi maganang kumain, pagduduwal o pagsusuka.
Yamang ang sanhi ng iyong pananakit ay hindi pa matiyak, maaaring kailanganin mo ang higit pang pagsusuri. Kung minsan gagamutin ka ng doktor para sa pinakamalamang na kondisyon upang makita kung mayroong pagbuti bago gumawa ng higit pang mga pagsusuri.
Pangangalaga sa tahanan
Mga Gamot
-
Nakakatulong ang mga antacid na maibalik sa normal ang acid sa iyong sikmura. Kung ayaw mo ng likido, maaari mong subukan ang nginunguya. Maaaring malaman mo na ang isang paraan ay mas makakabuti sa iyo. Ang sobrang paggamit ay maaaring maging sanhi ng pagtatae o pagtitibi.
-
Mga acid blocker (H2 blockers) ay nagpapababa sa paggawa ng acid. Ang mga halimbawa nito ay ang cimetidine, famotidine, at ranitidine.
-
Ang mga acid inhibitor (PPIs) ay nagpapababa sa paggawa ng acid sa naiibang paraan kaysa sa mga blocker. Maaaring malaman mo na mas nakakabuti ang mga ito, ngunit maaaring mas matagal bago umepekto. Ang mga halimbawa nito ay ang omeprazole, lansoprazole, pantoprazole, rabeprazole, at esomeprazole. Marami sa mga ito ay mabibili nang walang reseta o mabibili bilang mga generic.
-
Uminom ng antacid 30 hanggang 60 minuto pagkatapos kumain at bago matulog, ngunit hindi kasabay ng acid blocker.
-
Sikaping huwag gumamit ng mga NSAID tulad ng ibuprofen. Maaari ring maging sanhi ng mga problema ang aspirin, ngunit kung iinom ka nito para sa iyong puso o iba pang medikal na dahilan, makipag-usap sa iyong doktor bago ito ihinto; hindi mo gugustuhing magdulot ng mas malalang problema, tulad ng atake sa puso o stroke.
Diyeta
-
Kung ang ilang partikular na pagkain ay tila nagdudulot sa iyo ng pananakit, subukang huwag itong kainin. Ang ilang partikular na mga pagkain ay nagpapalala sa mga sintomas ng gastritis. Limitahan o iwasan ang matataba, at maaanghang na pagkain, ganun din ang kape, tsokolate, mint, at mga pagkaing mataas ang acid tulad ng kamatis at citrus na prutas at katas (orange, ubas, lemon o kalamansi).
-
Marahang kainin at nguyaing mabuti ang pagkain bago lunukin. Ang mga sintomas ng gastratis ay maaaring palalain ng ilang partikular na mga pagkain.
-
Huwag uminom ng alak. Maaari itong makairita sa sikmura.
-
Huwag kumonsumo ng caffeine, o gumamit ng tabako. Maaaring iantala ng mga ito ang paggaling at palalain ang iyong problema.
-
Subukang kaunti lang ang kainin sa agahan, tanghalian at hapunan na may mga meryenda sa pagitan nito.
-
Hayaang walang laman ang tiyan sa loob ng 2 hanggang 3 oras bago humiga.
-
Itaas ang uluhan ng kama kung may mga sintomas ka sa gabi. Makakatulong ito para maalis ang acid sa iyong esophagus.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan o gaya ng ipinayo.
Kailan dapat humingi ng pagpapayong medikal
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Lumalala ang pananakit ng sikmura o lumilipat sa kanang ibabang bahagi ng tiyan
-
Lumilitaw na pananakit ng dibdib o kung ito ay lumalala, o kumakalat papunta sa dibdib, likod, leeg, balikat, o braso
-
Madalas na pagsusuka (hindi mapanatili sa ibaba ang likido)
-
Dugo sa dumi o suka (kulay pula o itim)
-
Pakiramdam na nanghihina o nahihilo, hinihimatay, o nahihirapang huminga
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng tagapangalaga ng iyong kalusugan
-
Pamamaga ng tiyan
Online Medical Reviewer:
Fraser, Marianne, MSN, RN
Online Medical Reviewer:
Stempler, Dennis, MD
Date Last Reviewed:
3/1/2018
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.