Impeksyon sa Pantog, Lalaki (Katandaan)

Ikaw ay may impeksyon sa pantog.
Ang ihi ay karaniwang walang baktirya. Ngunit maaaring makarating ang baktirya sa daanan ng ihi mula sa balat sa paligid ng rektum o ito ay maaaring maglakbay sa dugo mula sa ibang bahagi ng katawan.
Tinatawag itong urinary tract infection (UTI). Ang impeksyon ay maaaring mangyari sa kahit saang bahagi ng daanan ng ihi. Maaaring mangyari ito sa bato (pyelonephritis)o sa pantog(cystitis) at uretra (urethritis).! Ang uretra ay tubo na siyang nagaalis ng ihi mula sa pantog patungo sa dulo ng ari ng lalaki.
Ang pinakakaraniwang lugar para sa UTI ay ang pantog. Tinatawag itong impeksyon sa pantog. Ang karamihan sa impeksyon sa pantog ay madaling nalulunasan. Hindi malubha ang mga ito maliban na lamang kung ang impeksyon ay kumalat pataas sa bato.
Ang mga terminong impeksyon sa pantog, UTI, at cystitis ay kadalasang ginagamit upang ilarawan ang parehong bagay, ngunit hindi sila palaging magkapareho. Ang cystitis ay pamamaga ng pantog. Ang pinakakaraniwang sanhi ng cystitis ay isang impeksyon.
Tandaan:
-
Ang mga impeksyon sa ihi ay tinatawag na UTI.
-
Ang cystitis ay karaniwang dulot ng UTI.
-
Hindi lahat ng UTI at mga kaso ng cystitis ay impeksyon sa pantog.
-
Ang mga impeksyon sa pantog ang pinakakaraniwang uri ng cystitis.
Mga sintomas ng impeksyon sa pantog
Ang impeksyon ay nagdudulot ng pamamaga sa urethra at pantog. Ang pamamagang ito ay nagdudulot ng karamihan sa mga sintomas. Ang pinakakaraniwang sintomas ng isang impeksyon sa pantog ay:
-
Pananakit o mahapding pakiramdam kapag umiihi
-
Mas madalas na pagnanais na umihi kaysa sa karaniwan
-
Pakiramdam na kailangan mo umihi kaagad
-
Kaunti lamang ang lumalabas
-
Dugo sa ihi
-
Kawalang ginhawa sa iyong tiyan, kadalasan ay sa mababang bahagi nito at sa taas ng buto sa pubic
-
Malabo, may matapang o mabahong amoy ang ihi
-
Hindi makaihi (retention)
-
Hindi makapagpigil ng ihi (urinary incontinence)
-
Lagnat
-
Kawalan ng ganang kumain
Ang mga matatanda ay maaari ding makadama ng pagkabalisa.
Mga sanhi ng impeksyon sa pantog
Ang mga impeksyon sa pantog ay hindi nakakahawa. Hindi mo ito makukuha mula sa ibang tao, sa upuan sa palikuran o mula sa pagsasabay maligo.
Ang pinakakaraniwang sanhi ng impeksyon sa pantog ay mula sa baktirya na galing sa puwitan. Ang baktirya ay nakararating sa balat sa may buka ng uretra. Mula doon, maaari silang makarating sa ihi at maglakbay paakyat sa pantog. Maaari itong magdulot ng pamamaga at impeksyon. Karaniwan itong nangyayari dahil sa:
-
Isang lumaking prosteyt
-
Hindi wastong paglilinis ng ari
-
Mga pamamaraan kung saan naglalagay ng tubo sa loob ng iyong pantog, katulad ng Foley catheter
-
Hindi makapagpigil sa pagdumi (bowel incontinence)
-
Nakakatandang Edad
-
Ang hindi pagaalis ng ihi mula sa pantog (Ang ihi ay nananatili doon at nagbibigay ng pagkakataon sa baktirya na tumubo.)
-
Dehydration (Hinahayaan nitong manatili ang ihi sa pantog ng mas matagal.)
-
Pagtitibi (Maaari madaganan ng mg bituka ang pantog o uretra at mapigilan ang pagaalis ng ihi mula sa pantog.)
Paggamot
Ang mga impeksyon sa pantog ay nilulunasan gamit ang mga antibayotiko. Karaniwang nawawala ang mga ito kaagad ng walang komplikasyon. Nakakatulong ang pagbibigay lunas upang maiwasan ang mga mas malubhang impeksyon sa bato.
Mga Gamot
Ang mga gamot ay makakatulong sa paglunas sa impeksyon sa pantog:
-
Maaaring binigyan ka ng phenazopyridine upang mapaginhawa ang hapdi kapag ikaw ay umiihi. Dahil dito, ang kulay ng iyong ihi ay magiging matingkad na kahel. Maaari itong magmantsa sa damit.
-
Maaaring niresetahan ka ng mga antibayotiko. Inumin ang gamot na ito hanggang sa maubos, kahit na mabuti na ang iyong pakiramdam. Ang paginom ng lahat ng gamot ay makasisiguro na mawawala ang impeksyon.
Maaari kang gumamit ng acetaminophen o ibuprofen para sa pananakit, lagnat o kawalang ginhawa, maliban na lamang kung may ibang gamot na inireseta. Maaari mo ding ipagsalit ang dalawa o gamitin pareho. Magkaiba ang epekto ng mga ito at magkaibang klase ng gamot kaya ang paginom sa kanila ng magkasama ay hindi isang overdose. Kung ikaw ay may pangmatagalang sakit sa atay o bato, makipagusap sa tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga gamot na ito. Makipagusap din sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung nagkaroon ka noon ng ulcer o pagdurugo sa GI, o umiinom ng gamot na pampalabnaw ng dugo.
Pangangalaga sa Tahanan
Ito ang ilang tagubilin upang tulungan ka na pangalagaan ang sarili sa tahanan:
-
Uminom ng madaming likido, maliban na lamang kung ipinagbawal ito ng tagapangalaga ng iyong kalusugan. Ang paginom ng likido ay makakatulong sa pagiwas sa dehydration at lilinisin ang pantog
-
Maging malinis sa katawan. Magpunas mula sa harap patungo sa likod pagkatapos gumamit ng palikuran at regular na linisin ang iyong ari. Kung ikaw ay hindi pa tuli, hilahin ang balat nito kapag nililinis.
-
Umihi ng mas madalas at huwag magpigil ng mahabang panahon hangga't maaari.
-
Magsuot ng pang-ibaba na maluwag at yari sa cotton. Iwasan ang masisikip na pantalon. Makakatulong ito na mapanatili kang malinis at tuyo.
-
Baguhin ang iyong diyeta upang makaiwas sa pagtitibi. Nangangahulugan ito na kakain ka ng mas maraming sariwang pagkain at mas maraming fiber, at kaunti ng mga pagkaing chichirya o mataba.
-
Iwasan ang pakikipagtalik hanggang sa mawala ang iyong mga sintomas.
-
Iwasan ang kapeina, alak at maaanghang na pagkain. Maaari nitong mairita ang pantog.
Follow-up na pangangalaga
Magfollow-up sa tagapangalaga ng iyong kalusugan o ayon sa ipinayo, kapag lahat ng sintomas ay hindi nawala sa loob ng 5 araw. Mahalaga na tumupad sa iyong itinakdang follow-up. Maaari kang makipagusap sa iyong tagapangalaga kung kinakailangan mo pa ng karagdagang pagsusuri ng daanan ng iyong ihi. Ito ay mahalaga kung ikaw ay may mga impeksyon na pabalik-balik.
Kung nagsagawa ng isang culture, sasabihan ka kung kailangan ng pagbabago sa iyong gamutan. Kung tinagubilinan, maaari kang tumawag upang malaman ang mga resulta.
Kung nagsagawa ng X-ray, sasabihan ka kung alinman sa mga nakita ay makakaapekto sa iyong pangangalaga.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung alinman sa mga ito ang mangyari:
Kailan dapat humingi ng medikal napagpapayo
Tumawag sa tagapangalaga ng iyong kalusugan agad kung ang alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o ayon sa ipinag-uutos ng tagapangalaga ng iyong kalusugan
-
Ang iyong sintomas ay hindi bumubuti matapos ang 2 araw ng pagbibigay lunas
-
Lumalalang pananakit ng likod o tiyan
-
Paulit-ulit na pagsusuka o hindi makalunok ng gamot
-
Panghihina o pagkahilo