Pleurisy (Pleuritis)

Mayroon kang pleurisy. Nangangahulugan ito na ang lining sa paligid ng iyong mga baga at dibdib ay namamaga o naiirita. Karaniwan itong nangyayari kapag mayroon kang pagkaipon ng likido sa pagitan ng mga layer ng pleura. Pinalilibutan ng pleura ang mga baga at ang loob ng iyong dibdib. Tumutulong ang lining na ito na makahinga ka nang mas maluwag.
Pinakamadalas na sanhi ng pleurisy ang impeksiyon ng bakterya o virus gaya ng tuberkulosis o pulmonya. Maaari itong sanhi ng iba pang kondisyon. Kadalasang tumatagal ito hanggang 14 na araw depende sa sanhi. Maaaring magdulot ng matinding pananakit sa malalim na paghinga, pag-ubo, pagbahin, o paggalaw ang pleurisy. Maaari kang makaranas ng pangangapos ng hininga.
Maaaring bigyan ka ng mga gamot laban sa virus kung virus ang nagdudulot ng pleurisy. Para sa impeksiyon ng bakterya, bibigyan ka ng mga antibayotiko. Maaaring magreseta ang iyong tagapangalaga ng kalusugan ng ibang uri ng gamot para makatulong na gamutin ang pleurisy. Inumin ang iyong mga gamot ayon sa inireseta.
Pangangalaga sa tahanan
Ang mga sumusunod na tip ay makakatulong sa pangangalaga mo ng iyong kondisyon sa tahanan.
-
Magpahinga sa bahay sa unang 2 hanggang 3 araw kung malala ang mga sintomas. Huwag hayaang mapagod nang husto ang iyong sarili kapag ipagpapatuloy mo na ang mga gawain. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung kailan ka maaaring bumalik sa mga normal na gawain.
-
Huwag manigarilyo. Lumayo sa usok ng sigarilyo ng iba.
-
Sasabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung aling mga gamot na nabibili nang walang reseta ang gagamitin para makontrol ang pananakit. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga bago gumamit ng ibang gamot sa kirot kung mayroon kang pangmatagalang sakit sa atay o kidney o nagkaroon ng ulser sa sikmura o pagdurugo ng panunaw. Makipag-usap din sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung ikaw ay umiinom ng gamot na pampigil sa pamumuo ng dugo.
Huwag kailanman magbigay ng aspirin sa sinumang wala pang 18 taong gulang na may impeksiyon ng virus o lagnat. Maaari itong magdulot ng malalang pinsala sa atay o sa utak, o maging kamatayan.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo.
Kailan hihingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas , o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan
-
Pag-ubo ng maraming may kulay na plema (mucus) o plemang malinaw at may bahid ng dugo
-
Pamumula, pananakit, pamamaga ng hita
-
May lumitaw na mga bagong sintomas.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kapag nangyari ang alinman sa mga ito:
-
Tumitinding pangangapos ng paghinga
-
Tumitinding pananakit ng dibdib, o pananakit na kumakalat patungong leeg, braso, o likod
-
Pag-ubo ng dugo
-
Pagkatuliro o pagkahilo
-
Mukhang asul, lila o abo ang kulay ng mga labi o balat
Online Medical Reviewer:
Allen J Blaivas DO
Online Medical Reviewer:
Daphne Pierce-Smith RN MSN
Online Medical Reviewer:
Ronald Karlin MD
Date Last Reviewed:
6/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.