Karaniwang Pananakit ng Leeg at Likod

Karaniwang sanhi ng pinsala sa mga kalamnan o litid ng gulugod ang parehong pananakit ng leeg at likod. Kung minsan, ang mga disk na naghihiwalay sa bawat buto ng gulugod ay maaaring magdulot ng pananakit sa pagdiin sa kalapit na nerbiyo. Maaaring lumitaw ang pananakit ng likod at leeg ang biglaang puwersang pagpilipit o pagbaluktot (gaya ng sa isang aksidente sa kotse), o kung minsan matapos ang isang simpleng alanganing paggalaw. Sa alinmang kaso, ang paghilab ng kalamnan ay madalas naroon at nagdaragdag sa pananakit.
Karaniwang gumagaling ang malubhang pananakit ng leeg at likod sa loob ng 1 hanggang 2 linggo. Maaaring maging malubha at magtagal nang ilang buwan o taon ang pananakit na may kaugnayan sa sakit sa disk, arthritis sa mga kasukasuan ng gulugod, o pagkitid ng spinal canal (spinal stenosis).
Mga karaniwang problema ang pananakit ng likod at leeg. Mas bumubuti ang pakiramdam ng karamihang tao sa loob ng 1 hanggang 2 linggo, at karamihan ng iba pa sa loob ng 1 hanggang 2 buwan. Karamihang tao ang nagagawang manatiling aktibo.
Nagkakaroon at inilalarawan nang magkakaiba ng mga tao ang pananakit.
-
Maaaring matindi, tumutusok, sumisibol, makirot, namumulikat, o mahapdi ang pananakit.
-
Maaaring lumala ang pananakit dahil sa paggalaw, pagtayo, pagyuko, pagbubuhat, pag-upo, o paglakad.
-
Maaaring limitado ang pananakit sa 1 lugar o bahagi, o maaari itong mas malawak ang saklaw.
-
Maaaring kumalat ang pananakit pataas, pababa, sa harap, o bumaba sa iyong mga braso o binti.
-
Maaaring mangyari ang paghilab ng kalamnan.
Kadalasan, nagdudulot ng pananakit ang mga mekanikal na problema sa mga kalamnan o gulugod. Karaniwan itong sanhi ng isang pinsala, alam man o hindi, sa mga kalamnan o litid. Hindi karaniwan ang pananakit nang walang pinsala. Ngunit maaari itong sanhi kung minsan ng isang problema sa kalusugan gaya ng mga bato sa kidney o isang impeksiyon. Karaniwang nauugnay ang pananakit sa pisikal na gawain gaya ng sports, ehersisyo, trabaho, o karaniwang gawain. Kung minsan, maaari itong mangyari nang walang matukoy na dahilan. Maaari itong mangyari sa pag-iinat lamang o paggalaw nang mali, nang walang napapansing pananakit sa oras na iyon. Kabilang sa iba pang sanhi ang:
-
Labis na pagpapagod, pagbubuhat, pagtulak, paghila nang hindi tama o sobrang agresibo.
-
Biglaang pagpilipit, pagbaluktot o pag-inat dahil sa isang aksidente (kotse o pagkahulog), o aksidenteng paggalaw.
-
Hindi maayos na tindig
-
Maling pagkondisyon, kulang sa regular na ehersisyo
-
Sakit sa spinal disc o arthritis
-
Istres
-
Pagbubuntis, o sakit gaya ng appendicitis, impeksiyon ng pantog o kidney, mga impeksiyon sa pelvis
Pangangalaga sa tahanan
-
Para sa pananakit ng leeg: Gumamit ng komportableng unan na sumusuporta sa ulo at pinananatiling neutral ang posisyon ng gulugod. Hindi dapat nakayuko o nakahilig patalikod ang posisyon ng ulo.
-
Kapag nasa kama, subukang humanap ng isang komportableng posisyon. Pinakamahusay ang isang matigas na kutson. Subukang humiga nang patag na may mga unan sa ilalim ng iyong mga tuhod. Maaari mo ring subukang humiga nang patagilid na nakabaluktot ang iyong mga tuhod papunta sa iyong dibdib at may isang unan sa pagitan ng iyong mga tuhod.
-
Sa simula, huwag subukang banatin ang masasakit na bahagi. Kung may pinsala sa kalamnan, hindi ito tulad ng mabuting pananakit na nakukuha mo matapos mag-ehersisyo nang walang pinsala. Sa kasong ito, maaaring palubhain ito ng pag-iinat.
-
Huwag umupo nang napakatagal, gaya ng mga pagsakay sa kotse nang matagal o iba pang biyahe. Nagdudulot ito ng higit na stress sa ibabang bahagi ng likod kaysa pagtayo o paglakad.
-
Sa panahon ng unang 24 hanggang 72 oras pagkatapos ng isang pinsala, maglapat ng ice pack sa masakit na bahagi sa loob ng 20 minuto at pagkatapos ay alisin ito sa loob ng 20 minuto sa panahon na 60 hanggang 90 minuto o ilang beses sa isang araw.
-
Maaari mong pagpalitin ang mga therapy gamit ang yelo at init. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa pinakamahuhusay na paggamot para sa pananakit ng iyong likod o leeg. Bilang hakbang pangkaligtasan, huwag gumamit ng heating pad sa oras ng pagtulog. Maaaring humantong sa mga pagkapaso ng balat o pagkasira ng tisyu ang pagtulog na may heating pad.
-
Makatutulong ang therapeutic massage na marelaks ang likod at mga kalamnan ng leeg nang hindi iniuunat ang mga ito.
-
Dapat mong malaman ang mga ligtas na paraan ng pag-aangat. Huwag magbuhat ng anumang mahigit sa 15 pound hanggang mawala ang lahat ng pananakit.
Mga Gamot
Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gumamit ng gamot, lalo na kung mayroon kang ibang problema sa kalusugan o umiinom ng iba pang gamot.
-
Maaari kang gumamit ng gamot na nabibili nang walang reseta para kontrolin ang pananakit, maliban kung inireseta ang isa pang gamot sa pananakit. Makipag-usap muna sa iyong tagapangalaga kung mayroon kang pangmatagalang kondisyon gaya ng diabetes, sakit sa atay o kidney, mga ulcer sa sikmura, o pagdurugo ng sikmura o bituka, o umiinom ng mga gamot na pampalabnaw ng dugo.
-
Mag-ingat kung binigyan ka ng mga gamot sa pananakit, narkotiko, o gamot para sa paghilab ng kalamnan. Maaaring magdulot ang mga ito ng pagkaantok. Maaapektuhan nito ang iyong koordinasyon, mga reflex, at pagpapasya. Huwag magmaneho o gumamit ng mga makinarya.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan gaya ng ipinapayo. Maaaring kailanganin mo ng physical therapy o marami pang pagsusuri.
Kung kumuha ng mga X-ray, sasabihan ka ng anumang bagong natagpuan na makakaapekto sa iyong pangangalaga.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kapag nangyari ang alinman sa mga ito:
-
Hirap sa paghinga
-
Pagkatuliro
-
Sobrang inaantok o nahihirapang gumising
-
Pagkahimatay o pagkawala ng ulirat
-
Napakabilis o napakabagal na pintig ng puso
-
Kawalan ng kontrol sa pagdumi o sa pantog
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Pananakit na mas lumulubha o kumakalat sa iyong mga braso o binti
-
Panghihina, pamamanhid, o pananakit sa 1 o parehong braso o binti
-
May mga pagbabago ka sa paggana ng bituka o pantog
-
Pamamanhid sa bahagi ng singit
-
Hirap lumakad
-
Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng ipinayo ng iyong tagapangalaga