Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Nabaling Daliri, Sarado

Mayroon kang nabaling daliri (fracture). Nagdudulot ito ng pananakit, pamamaga, at pagkapasa. Inaabot nang halos 4 hanggang 6 na linggo bago gumaling ang pinsalang ito, ngunit maaarin mas tumagal sa ilang kaso. Kadalasang ginagamot ang mga pinsala sa daliri gamit ang splint o molde, o sa pag-tape sa napinsalang daliri sa kalapit nito (buddy taping). Pinoprotektahan nito ang napinsalang daliri at pinipigilan ang buto sa posisyon habang naghihilom ito. Maaaring kailanganin ang operasyon ng mas malulubhang bali. Gagawin ito ng isang orthopedic surgeon. Isa siyang siruhano na espesyalista sa paggamot ng mga problema sa buto, kalamnan, kasukasuan, at litid.

Kung malubhang napinsala ang kuko ng daliri, malamang na malaglag ito sa loob ng 1 hanggang 2 linggo. Karaniwang magsisimulang tumubo muli ang bagong kuko sa loob ng isang buwan.

Pangangalaga sa tahanan

Sundin ang mga tagubilin na ito kapag nangangalaga sa iyong sarili sa iyong tahanan:

  • Panatilihing nakataas ang iyong kamay (elevated) upang mabawasan ang pananakit at pamamaga. Kapag nakaupo o nakahiga, panatilihin ang iyong braso sa itaas ng lebel ng iyong puso. Magagawa mo ito sa pamamagitan ng paglalagay ng iyong braso sa isang unan na nakapatong sa iyong dibdib o sa isang unan sa iyong gilid. Pinakamahalaga ito sa unang 2 araw (48 oras) pagkatapos ng pinsala.

  • Maglagay ng ice pack sa napinsalang bahagi. Gawin ito sa loob ng 20 minuto bawat 1 hanggang 2 oras sa unang araw para mapaginhawa ang pananakit. Upang makagawa ng ice pack, maglagay ng mga piraso ng yelo sa isang plastic bag na naisasara sa ibabaw nito. Ibalot ang bag sa isang manipis na tuwalya. Habang natutunaw ang yelo, maging maingat na hindi mabasa ang molde o splint. Ipagpatuloy ang paggamit ng ice pack 3 hanggang 4 na beses sa isang araw hanggang mawala ang pananakit at pamamaga.

  • Panatilihing ganap na tuyo ang molde o splint sa lahat ng oras. Maligo na hindi nababasa ng tubig ang iyong molde o splint. Protektahan ito gamit ang isang malaking plastic bag na nilagyan ng lastiko o tape sa dulo. Kapag nabasa ang fiberglass na molde o splint, matutuyo mo ito gamit ang hair dryer sa setting na malamig.

  • Kung inilagay ang buddy tape at nabasa ito o nadumihan, palitan ito. Maaari mo itong palitan ng tape na papel, plastic, o tela. Dapat panatilihing tuyo ang tape na tela at papel. Panatilihin ang buddy tape sa lugar sa loob ng hindi bababa sa 4 na linggo, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan.

  • Maaari kang gumamit ng acetaminophen o ibuprofen upang makontrol ang pananakit malibang inireseta ang isa pang gamot sa pananakit. Kung ikaw ay matagal nang may sakit sa atay o bato, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga gamot na ito. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga kung nagkaroon ka ng ulser sa sikmura o pagdurugo sa sikmura at bituka.

  • Huwag maglagay ng mga cream o bagay sa ilalim ng molde kung nangangati ka.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan gaya ng ipinapayo. Ito ay upang makasiguro na naghihilom ang buto gaya ng dapat mangyari.

Maaaring magsagawa ng mga X-ray. Sasabihan ka kung may anumang bagong natagpuan sa iyong resulta na makakaapekto sa iyong pangangalaga.

Kailan hihingi ng medikal na pangangalaga

Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:

  • Magiging basa o malambot ang plaster na molde o splint

  • Nabasag ang molde o splint

  • Nananatiling basa ang fiberglass na molde o splint sa loob ng mahigit sa 24 na oras

  • Pananakit o pamamaga na lumalala

  • Pamumula, pag-init, pamamaga, pagtagas mula sa sugat, o masamang amoy mula sa molde o splint

  • Nanlalamig, nagkukulay asul, namamanhid, o nanginginig ang daliri

  • Hindi mo maigalaw ang iyong daliri

  • Namumula o namamaga ang balat sa paligid ng molde o splint

  • Lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng ipinayo ng iyong tagapangalaga

  • Ginaw

Online Medical Reviewer: Raymond Turley Jr PA-C
Online Medical Reviewer: Stacey Wojcik MBA BSN RN
Online Medical Reviewer: Thomas N Joseph MD
Date Last Reviewed: 5/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer