Pananakit ng Ngipin
Maraming bagay ang maaring magdulot ng pananakit ng ngipin. Maaaring magdulot ng pananakit ng ngipin ang bitak o butas sa ngipin. Ito ay dahil inilalantad ng bitak o butas ang sensitibong panloob na bahagi ng ngipin. Maaari ding magdulot ng pananakit at pamamaga ang impeksiyon sa gilagid o ugat ng ngipin. Kadalasang pinalulubha ang pananakit kapag kumakain o umiinom ka ng mainit o malamig na pagkain o inumin. Maaari din itong lumubha kapag kumakagat ka sa matitigas na pagkain. Maaaring kumalat ang pananakit mula sa ngipin papunta sa iyong tainga, o sa bahagi ng panga sa parehong panig.
Ang iba pang mga posibleng pinagmumulan ng pananakit ng ngipin ay:
-
Nabasag na ngipin (fracture sa ngipin)
-
Nasirang pasta
-
Paulit-ulit na paggalaw gaya ng pagnguya, paggiling, o pagngangalit
Pangangalaga sa tahanan
Sundin ang mga payong ito kapag nangangalaga sa iyong sarili sa iyong tahanan:
-
Huwag kumain o uminom ng maiinit at malalamig na pagkain o inumin. Maaaring maging sensitibo ang iyong ngipin sa mga pagbabago sa temperatura.
-
Gumamit ng toothpaste na ginawa para sa sensitibong mga ngipin. Marahang magsipilyo nang pataas at pababa sa halip na pahalang. Maaaring mapudpod ng pahalang na pagsisipilyo ang mga bahagi ng ugat kung malantad ang mga ito.
-
Kung magkapingas o magkabitak ang iyong ngipin, kaagad na magpatingin sa dentista.
-
Gumamit ng malamig na pakete. Maglagay ng malamig na pakete sa iyong panga sa ibabaw ng bahaging masakit para maibsan ang kirot.
-
Magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa paggamit ng gamot sa kirot na nabibili nang walang reseta. Maaari mo itong gamitin maliban kung magreseta ng isa pang gamot ang iyong tagapangalaga. Kung mayroon kang pangmatagalang (di-gumagaling) sakit sa atay o kidney, makipag-usap sa iyong doktor bago gumamit ng acetaminophen o ibuprofen. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga kung nagkaroon ka ng ulser sa sikmura o pagdurugo sa sikmura at bituka (GI).
-
Alamin ang impeksiyon. Kung mayroon kang senyales ng impeksiyon, bibigyan ka ng antibiotic. Inumin ito ayon sa itinagubilin.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong dentista, o ayon sa ipinayo. Maaaring mawala ang iyong pananakit gamit ang mga paggamot na ibinigay ngayon. Ngunit ang dentista lamang ang lubusang makapagsusuri at makagagamot ng sanhi ng iyong pananakit. Maiiwasan nito ang pagbalik ng pananakit.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung nangyari ang alinman sa mga ito:
-
Hindi pangkaraniwang pagkaantok o pagkalito
-
Pananakit ng ulo o paninigas ng leeg
-
Panghihina o pagkahimatay
-
Hirap sa paglunok o paghinga
-
Mga problema sa paningin
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Namamaga o namumula ang iyong mukha
-
Lumubha o kumalat ang pananakit sa iyong leeg
-
Lagnat na 100.4ºF (38.0ºC) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga
-
Pagtagas ng nana mula sa ngipin
Online Medical Reviewer:
Jessica Gotwals RN BSN MPH
Online Medical Reviewer:
Michael Kapner MD
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Date Last Reviewed:
9/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.