Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pangmatagalang Sakit sa Kidney (Chronic Kidney Disease o CKD)

Ang tungkulin ng mga kidney ay alisin ang mga dumi at labis na tubig mula sa dugo. Kapag hindi gumagana ang mga kidney gaya ng dapat nitong gawin, nagsisimulang maipon sa dugo ang mga dumi. Tinatawag itong pangmatagalang sakit sa kidney (CKD). Nangangahulugan ang CKD na may pinsala sa iyong kidney o humina ang paggana ng kidney na tumatagal nang hindi bababa sa 3 buwan. Hinahayaan ng CKD na maipon ang labis na tubig, dumi, at mga lason sa iyong katawan. Maaari itong magsapanganib sa buhay sa kalaunan. Maaaring kailanganin mo ng dialysis o pag-transplant ng kidney upang patuloy na mabuhay. Ang pinakamalubhang anyo na ito ay tinatawag na huling yugto ng sakit sa kidney.

Isa ang diabetes sa mga pangunahing sanhi ng pangmatagalang pagpalya ng kidney. Kabilang sa iba pang sanhi ang mataas na presyon ng dugo, paninigas ng mga arterya (atherosclerosis), lupus, pamamaga ng mga daluyan ng dugo (vasculitis), at mga nakaraang impeksiyong dulot ng virus o bakterya. Maaari din magdulot ng pagpalya ng kidney ang mga partikular na gamot na nabibili nang walang reseta kapag madalas na iniinom sa loob ng mahabang panahon. Kabilang sa mga ito ang aspirin, ibuprofen, at mga kaugnay na gamot para sa pamamaga na tinatawag na mga NSAID (mga nonsteroidal anti-inflammatory drug).

Pangangalaga sa tahanan

Makatutulong sa iyo ang mga tagubiling ito upang alagaan ang iyong sarili sa tahanan:

  • Kung mayroon kang diabetes, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa pagkontrol ng iyong asukal sa dugo. Magtanong kung kailangan mong gumawa ng mga pagbabago sa iyong diyeta, pamumuhay, o mga gamot.

  • Kung mayroon kang mataas na presyon ng dugo:

    • Uminom ng iniresetang gamot para pababain ang presyon ng iyong dugo sa inirekomendang layunin na hindi hihigit sa 130/80.

    • Magsimula ng programa ng regular na pag-eehersisyo na ikinasisiya mo. Magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan upang masiguro na tama para sa iyo ang iyong plano ng programa sa pag-eehersisyo.

    • Bawasan ang pagkain ng asin (sodium). Masasabi sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung gaano karaming asin ang ligtas para sa iyo.

  • Kung labis ang iyong timbang, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa plano ng pagbawas ng timbang.

  • Kung naninigarilyo ka, dapat kang huminto. Pinalulubha ng paninigarilyo ang sakit sa kidney at ilalagay ka sa panganib na magkaroon ng iba pang malulubhang sakit. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa mga paraang tutulong sa iyo sa paghinto. Para sa higit pang impormasyon, bisitahin ang mga sumusunod na link:

    • www.smokefree.gov/sites/default/files/pdf/clearing-the-air-accessible.pdf

    • www.smokefree.gov

    • www.cancer.org/healthy/stayawayfromtobacco/guidetoquittingsmoking

  • Karamihan sa mga taong may CKD ay kailangang sumunod sa espesyal na diyeta. Tiyaking nauunawaan mo ang sa iyo. Sa pangkalahatan, kakailanganin mong limitahan ang protina, asin, potassium, at phosphorus. Kailangan mo rin limitahan ang dami ng likidong iniinom mo.

  • Ang CKD ay isang sanhi ng panganib para sa sakit sa puso. Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa iba pang sanhi ng panganib na maaaring mayroon ka at kung ano ang maaari mong gawin upang mabawasan ang mga ito.

  • Makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa anumang gamot na iniinom mo para malaman kung kailangan bang bawasan o ihinto ang mga ito.

  • Para sa sarili mong kaligtasan, magtanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago uminom ng anumang gamot o suplemento. Huwag gamitin ang mga sumusunod na gamot na nabibili nang walang reseta. O kumonsulta sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga ito:

    • Aspirin at mga NSAID gaya ng ibuprofen o naproxen. Puwede ang acetaminophen para sa lagnat o pananakit.

    • Mga laxative at antacid na naglalaman ng magnesium o aluminum

    • Fleet o phospho-soda enema na naglalaman ng phosphorus

    • Ilang gamot na pumipigil sa asido sa sikmura gaya ng cimetidine o ranitidine 

    • Mga pantanggal ng bara sa ilong na naglalaman ng pseudoephedrine 

    • Mga herbal na suplemento

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan gaya ng ipinapayo. Bisitahin ang mga website na ito para malaman ang higit pa:

Kung isinagawa ang X-ray, ECG (electrocardiogram), o iba pang diyagnostikong pagsusuri, sasabihan ka kung may anumang bagong natagpuan na makakaapekto sa iyong pangangalaga.

Tumawag sa 911

Tumawag kaagad sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga ito:

  • Malubhang panghihina, pagkahilo, pagkahimatay, pagkaantok, o pagkatuliro

  • Pananakit ng dibdib o kakapusan sa paghinga

  • Mabilis, mabagal, o hindi regular na pagtibok ng puso

Kailan dapat humingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mayroon ka ng alinman sa mga ito:

  • Pagkahilo o pagsusuka

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa ipinayo ng iyong tagapangalaga

  • Hindi inaasahang pagtaas ng timbang o pamamaga sa binti, mga bukung-bukong, o sa paligid ng mga mata

  • Kakaunti ang ihi, o hindi umiihi

  • Mga bagong sintomas o mga sintomas na lumalala

Online Medical Reviewer: Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer: Walead Latif MD
Date Last Reviewed: 6/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer