Related Reading
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Pananakit ng Tuhod na may Posibleng Napunit na Meniscus

Kneecap (patella), Lateral meniscus, Medial meniscus

Isang matigas na pad ng cartilage ang meniscus na sinasapinan ang loob ng kasuasuan ng tuhod. Tumutulong itong higupin ang pagkabigla mula sa paggalaw. Ikinakalat din nito nang pantay-pantay ang bigat ng iyong katawan sa buong kasukasuan ng tuhod. Pinipigil nito ang labis na pagkapudpod at pagkapunit sa mga buto ng kasukasuang iyon.

Pinakakaraniwang sanhi ng pagkapilas ng meniscus ang mga pinsala, lalo na ang mga nauugnay sa sports at lumulubhang sakit na nangyayari habang nagkakaedad.

Madalas na nangyayari ang pagkapilas ng meniscus sa panahon ng pinsala ng pagkapilipit habang nakabaluktot ang tuhod. Nagdudulot ito ng pananakit, pamamaga, nabawasang paggalaw ng tuhod, at hirap sa paglakad. Maaaring magkaroon ng pagputok, paglagutok, pag-lock ng kasukasuan, o hindi magawang maiunat nang tuwid ang tuhod. Maaaring napinsala rin ang mga litid ng tuhod.

Nada-diagnose ang napunit na meniscus sa pamamagitan ng pagsusuri ng katawan at mga X-ray. Sa kaso ng malubhang pinsala, maaaring masyadong masakit ang tuhod para masuri nang husto. Maaaring isagawa ang mas tumpak na pagsusuri pagkatapos humupa ang unang pamamaga. Maaaring isagawa ang MRI upang makagawa ng huling pag-diagnose.

Kung naghihinala ang iyong tagapangalaga ng kalusugan na may pinsala sa meniscus, maaaring gamutin ang iyong tuhod gamit ang yelo at pahinga. Maaaring kailanganin mo rin na limitahan ang paggalaw ng tuhod. Maaaring magsuot ng splint o knee brace na pinananatiling tuwid ang iyong binti upang maprotektahan ang kasukasuan. Depende sa kalubhaan ng pinsala, maaaring kailanganin ang operasyon. Maaaring abutin ng 4 hanggang 12 linggo ang paggaling ng pinsala sa cartilage depende sa kung gaano ito kalubha.

Pangangalaga sa tahanan

  • Huwag gamitin ang napinsalang binti hangga't maaari hanggang sa makalakad kang gamit ito nang walang pananakit. Kung labis kang nasasaktan kapag naglalakad, maaaring ireseta ang mga saklay o walker. (Maaaring rentahan o bilhin ang mga ito sa maraming parmasya at tindahan ng supply na pang-operasyon o orthopedic). Sundin ang payo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa kung kailan maaaring puwersahin ang naturang binti.

  • Panatilihing nakataas ang iyong binti para mabawasan ang pananakit at pamamaga. Kapag natutulog, maglagay ng unan sa ilalim ng napinsalang binti. Kapag nakaupo, suportahan ang napinsalang binti para mataas ito sa lebel ng puso. Napakahalaga nito sa unang 48 oras.

  • Maglagay ng ice pack sa napinsalang bahagi sa loob ng 15 hanggang 20 minuto bawat 3 hanggang 6 na oras. Dapat mo itong gawin sa loob ng unang 24 hanggang 48 oras. Upang makagawa ng ice pack, maglagay ng mga piraso ng yelo sa isang plastic bag na naisasara sa ibabaw nito. Balutin ang bag ng isang manipis na tuwalya bago ito gamitin. Ipagpatuloy ang paggamit ng mga ice pack kung kinakailangan upang maibsan ang pananakit at pamamaga. Habang natutunaw ang yelo, ingatang huwag mabasa ang iyong balot, splint, o cast. Pagkatapos ng 48 oras, maglagay ng init (maligamgam na shower o paligo) sa loob ng 15 hanggang 20 minuto nang ilang beses sa isang araw, o halinhinan ang yelo at init. Maaari mong ilagay ang ice pack nang direkta sa splint. Kung dapat kang magsuot ng hook-and-loop knee brace, maaari mo itong buksan upang maglapat ng ice pack, o init, direkta sa tuhod. Huwag kailanman direktang maglagay ng yelo sa iyong balat. Palaging ibalot ang yelo sa isang tuwalya o iba pang uri ng tela.

  • Maaari kang gumamit ng mga gamot na nabibili nang walang reseta upang makontrol ang pananakit, maliban na lang kung may ibang iniresetang gamot para sa pananakit. Mas magiging mabisa ang non-steroidal anti-inflammatory drug (NSAID) gaya ng ibuprofen o naproxen kaysa acetaminophen. Kung ikaw ay may pangmatagalang sakit sa atay o bato, nagkaroon ng ulcer sa sikmura o pagdurugo ng sikmura at bituka, o umiinom ng pampalabnaw ng dugo, makipag-usap sa iyong tagapangalaga bago gamitin ang mga gamot na ito.

  • Kung nilagyan ka ng splint, panatilihin itong tuyo sa lahat ng oras. Maligo na hindi nababasa ng tubig ang iyong splint. Protektahan ito gamit ang isang malaking plastic bag na nilagyan ng lastiko o tape sa dulo. Kung mabasa ang fiberglass na splint, matutuyo mo ito gamit ang hair dryer na naka-set sa malamig. Kung nakasuot ka ng hook-and-loop knee brace, maaari mo itong tanggalin para maligo, maliban kung iba ang ipinayo.

  • Sumangguni sa iyong tagapangalaga bago bumalik sa sports o buong tungkulin sa trabaho.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan ayon sa ipinayo. Kadalasan itong sa loob ng 1 hanggang 2 linggo. Maaaring kailanganin mo ng karagdagang pagsusuri upang malaman kung hanggang saan ang iyong pinsala.

Kung kumuha ng mga X-ray, sasabihan ka ng anumang bagong natagpuan na makakaapekto sa iyong pangangalaga.

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kung mayroon kang: 

  • Kakapusan sa hininga

  • Pananakit ng dibdib

Kailan dapat humingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung alinman sa mga ito ang mangyari:

  • Namamaga, nanlalamig, nagkukulay asul, namamanhid, o nanginginig ang mga daliri sa paa o ang paa

  • Kumakalat ang pananakit o pamamaga sa tuhod o likuran ng binti

  • Lumilitaw ang init at pamumula sa tuhod o likuran ng binti

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga

  • Ginaw

Online Medical Reviewer: L Renee Watson MSN RN
Online Medical Reviewer: Raymond Turley Jr PA-C
Online Medical Reviewer: Thomas N Joseph MD
Date Last Reviewed: 2/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer