Pagsusuri ng Sugat Pagkatapos ng Operasyon: Impeksiyon
Nagkaroon ng impeksiyon ang iyong sugat dahil sa operasyon. Karaniwang sangkot sa impeksiyon pagkatapos ng operasyon ang ibabaw na suson ng balat lamang. Kung minsan, mas malalim ang impeksiyon sa sugat at maaaring sangkot ang natipong likido o nana. Magdedepende ang paggamot sa uri ng impeksiyon na mayroon ka.
Maaaring kailanganin mo ng isang pamamaraan upang buksan at patuyuin ang sugat kung mayroong nana o likido ng impeksiyon.
Maaari kang uminom ng mga antibayotiko para sa impeksiyon. Inumin mo ang mga ito ayon sa itinagubilin hanggang maubos.
Pangangalaga sa tahanan
Kailangan ng iba't ibang uri ng operasyon ang iba't ibang uri ng pangangalaga at mga pagpapalit ng tapa. Mahalagang sundin ang lahat ng tagubilin at payo mula sa iyong surihano, pati na rin ng iba pang miyembro ng iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan. Kung posible, magiging kapaki-pakinabang na may isang miyembro ng pamilya o malapit na kaibigan na kasama mong makikinig sa mga tagubilin sa paglabas ng ospital.
Pangangalaga sa sugat
-
Panatilihing malinis ang sugat, ayon sa itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan.
-
Palitan ang tapal ayon sa itinagubilin. Palitan ang tapal nang mas maaga kung mabasa ito o mamantsahan ng dugo o likido mula sa sugat.
-
Magbimpo (walang shower o paliligo sa tub) sa loob ng unang ilang araw, o hangga't wala nang tagas mula sa sugat. Maliban kung binigyan ka ng iyong surihano ng ibang tagubilin, maaari ka nang mag-shower. Huwag ibabad ang bahagi sa tubig (walang paliligo o paglangoy) hangggang maalis ang tape, tahi, o staple at natuyo na at naghilom ang anumang buka sa sugat.
-
Kung nagsisigarilyo ka, itigil ang paninigarilyo. Tanungin ang tagapangalaga ng iyong kalusugan tungkol sa mga paraan kung paano ito ihinto.
Pagpapalit ng tapal
-
Kuskusin ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis, dumadaloy na tubig nang hindi bababa sa 20 segundo bago at matapos palitan ang tapal. O gumamit ng panlinis ng kamay na may alkohol.
-
Maingat na alisin ang tapal at tape. Huwag itong basta na lang haltakin. Kung dumikit ito sa sugat, maaaring kailangan mong basain ito nang kaunti para alisin ito, maliban kung sinabi sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na huwag itong basain.
-
Marahang linisin ang sugat gamit ang malinis na tubig (o saline) gamit ang gasa o malinis na bimpo. Huwag itong kuskusin o sungkitin.
-
Huwag gumamit ng sabon, alkohol, hydrogen peroxide, o anumang iba pang panlinis sa sugat.
-
Kung sinabihan ka na patuyuin muna ang sugat bago lagyan ng bagong tapal, marahan itong patuyuin. Huwag kuskusin.
-
Muling kuskusin ang iyong mga kamay nang hindi bababa sa 20 segundo bago maglagay ng bago at malinis na tapal.
-
Ilagay ang lumang tapal sa isang selyadong bag na plastik at itapon ito. Huwag itong muling gamitin!
-
Muling kuskusin ang iyong mga kamay sa loob ng 20 segundo kapag tapos ka na.
Mga uri ng mga tapal
Sasabihin sa iyo ng iyong team ng tagapangalaga ng kalusugan kung anong uri ng tapal ang ilalagay sa iyong sugat. Kung mayroon kang anumang tanong, sunding mabuti ang mga tagubilin ng iyong pangkat ng tagapangalaga ng kalusugan. Inilalarawan sa ibaba ang dalawang karaniwang uri ng mga tapal. Maaaring mayroon ka ng isa sa mga ito o isa pang uri.
-
Tuyong tapal. Gumamit ng tuyong gasa o pad.
-
Basa-hanggang-tuyong tapal. Basain ang gasa at pigain ang labis na tubig (o saline) bago ito ilagay. Pagkatapos, takpan ito ng tuyong pad.
Mga Gamot
-
Kung binigyan ka ng mga antibayotiko, inumin ang mga iyon hanggang sa maubos, o hanggang sa sabihin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na ihinto na ito. Mahalagang tapusin ang mga antibayotiko kahit na bumuti na ang pakiramdam mo, para sigurudahin na wala na ang impeksiyon.
-
Maaari kang uminom ng acetaminophen o ibuprofen para sa pananakit, malibang binigyan ka ng ibang gamot para sa pananakit upang gamitin. Kung mayroon kang hindi gumagaling na sakit sa atay o bato, makipag-usap sa iyong tagapangalaga bago gamitin ang mga gamot na ito. Kung nagkaroon ka ng ulcer sa sikmura o pagdurugo sa panunaw, o umiinom ng mga gamot na pampalabnaw ng dugo, makipag-usap din sa iyong tagapangalaga.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow-up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan para sa iyong susunod na pagsusuri ng sugat o para alisin ang iyong mga tahi, staple, o tape.
-
Kung ginawa ang pagkultura ng sugat, sasabihin sa iyo kung makakaapekto ang mga resulta sa iyong paggamot. Maaari kang tumawag gaya ng ipinayo para malaman ang mga resulta.
-
Kung ginawa ang mga imaging test, gaya ng mga X-ray, ultrasound, o CT scan, titingnan ang mga ito ng isang espesyalista. Sasabihin sa iyo ang mga resulta, lalo na kung maaapektuhan ng mga ito ang paggamot.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kung mangyari ang alinman sa mga ito:
-
Hirap huminga o lumunok
-
Paghingang may humuhuni
-
Garalgal na boses o hirap sa pagsasalita
-
Matinding pagkatuliro
-
Matinding pagkaantok o hirap gumising
-
Pagkahimatay o pagkawala ng ulirat
-
Mabilis na pintig ng puso o napakahinang pintig ng puso
-
Pagsusuka ng dugo, o maraming dugo sa dumi
-
Kawalang-ginhawa sa gitna ng dibdib na pakiramdam ay tila presyon, pagpiga, pakiramdam na puno, o pananakit
-
Kawalang-ginhawa o pananakit sa iba pang bahagi ng itaas ng katawan, gaya ng likod, isa o parehong braso, leeg, panga, o tiyan
-
Mga sintomas ng stroke (makita ang stroke “AST):
-
F: Face drooping. Namamanhid o lumalaylay ang isang bahagi ng mukha.
-
A: Arm weakness. Nanghihina o namamanhid ang isang braso.
-
S: Speech difficulty: Utal ang pagsasalita, o hindi ka makapagsalita.
-
T: Time to call 911. Kahit mawala ang mga sintomas, tumawag sa 911.
Kailan dapat humingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mangyari ang alinman sa mga ito:
-
Nadaragdagang pananakit sa lugar ng operasyon
-
Pananakit na hindi nakokontrol ng iniresetang gamot
-
Lagnat na 100.4°F (38ºC) o mas mataas, o ayon sa itinagubiling ng iyong tagapangalaga
-
Nadaragdagan na pamumula sa paligid ng sugat
-
Likido, nana, o dugo na patuloy na tumatagas mula sa sugat pagkatapos ng 5 araw na paggamot
-
Pagsusuka, pagtitibi, o pagtatae
-
Mga sintomas na lumalala o nagkakaroon ng mga bagong sintomas
Online Medical Reviewer:
Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer:
Tara Novick
Online Medical Reviewer:
Todd Campbell MD
Date Last Reviewed:
1/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.