Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Posibleng Pagkalaglag (Nagbanta na Aborsiyon)

Maaaring posible kang malaglagan.

Ang karaniwang mga senyales ng pagkalaglag ay pananakit at pagdurudo. Maaaring maging normal ang kaunting pagdurugo sa unang 3 buwan ng pagbubuntis. Kadalasang humihinto ang pananakit at pagdurugo, at magkakaroon ka ng normal na pagbubuntis at sanggol. Ngunit maaaring maagang senyales ng pagkalaglag ang malakas na pagdurugo o matinding pamumulikat. Ang pagkalaglag ay ang hindi inaasahang pagkawala ng iyong ipinagbubuntis.

Sa panahong ito, hindi alam ng iyong tagapangalaga ng kalusugan kung ikaw ay malalaglagan, o kung malulutas ang mga bagay-bagay at magpapatuloy nang normal ang iyong pagbubuntis. Maaari itong maging mabigat sa damdamin. Wala nang gaanong magagawa para baguhin ang iyong nararamdaman. Ngunit unawain na pangkaraniwan ang pagkalaglag.

Halos 1 o 2 mula sa bawat 10 pagbubuntis ang nagtatapos nang ganito. Ang ilan pa nga ay natatapos nang hindi mo nalalaman na ikaw ay buntis. Nangyayari ito sa maraming kadahilanan, at karaniwang hindi nalalaman ang sanhi. Mahalaga na malaman mong hindi mo ito kasalanan. Hindi ito nangyari dahil gumawa ka ng anumang bagay na mali.

Hindi nagdudulot ng pagkalaglag ang pakikipagtalik o pag-eehersisyo. Kadalasang ligtas ang mga gawaing ito maliban kung magkaroon ka ng pananakit o pagdurugo, o sasabihin sa iyo ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na huminto. Hindi rin magdudulot ng pagkalaglag ang mga bahagyang pagkabara. Nangyayari ang mga pagkalaglag dahil hindi nabubuo ang mga bagay gaya nang dapat. Walang gamot ang makakapigil sa pagkalaglag.

Muli, unawain na hindi tiyak ang mga bagay ngayon. Maaari ka pa rin magkaroon ng ilang pagdurugo. Maaaring ito ay pagkakaroon ng bahid ng dugo o gaya ng regla, at maaari ka rin maglabas ng kaunting tisyu. Maaari kang makaranas ng ilang pamumulikat. Kaya mahalaga ang follow-up na pangangalaga.

Pangangalaga sa tahanan

Para tumaas ang posibilidad na maipagpatuloy ang iyong pagbubuntis, dapat mong gawin ang mga hakbang na ito:

  • Magpahinga sa kama hanggang sa tumigil ang pananakit at pagdurugo.

  • Huwag makipagtalik hanggang sinabi ng iyong tagapangalaga ng kalusugan na OK iyon.

  • Gumamit ng mga sanitary napkin sa halip na mga tampon.

  • Huwag gumamit ng douche.

  • Huwag uminom ng aspirin, ibuprofen, o naproxen.

  • Huwag uminom ng mga inuming may alkohol o caffeine, o manigarilyo.

Follow-up na pangangalaga

Makipag-appointment sa iyong tagapangalaga ng kalusugan sa loob ng isang linggo, o ayon sa itinagubilin.

Kung ikaw ay nagpa-ultrasound, susuriin ito ng isang radiologist. Sasabihan ka kung may anumang bagong natagpuan sa iyong resulta na makakaapekto sa iyong pangangalaga.

Tumawag sa 911

Tumawag sa 911 kung mayroon kang:

  • Matinding pananakit at napakalakas na pagdurugo

  • Matinding pagkalula, pagkahimatay, o panghihina

  • Mabilis na pintig ng puso

  • Hirap sa paghinga

  • Pagkatuliro o hirap magising

Kailan hihingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:

  • Pagdurugo o pananakit ng puwerta na tumatagal nang higit sa 3 araw

  • Malakas na pagdurugo. Nangangahulugan ito na nakapupuno ng 1 pad sa loob ng isang oras na tumatagal ng 3 oras.

  • Lagnat na 100.4°F (38°C) o mas mataas, o katulad ng itinagubilin ng tagapangalaga ng iyong kalusugan

  • Pananakit sa iyong ibabang tiyan (abdomen) na lumalala

  • Panghihina o pagkahilo

  • Paglabas ng anumang bagay na kahawig ng tisyu. Ito ay kulay rosas o kulay abong membrane o buong materyal. Itabi ang tisyu sa isang malinis na lalagyan at dalhin ito sa iyong tagapangalaga ng kalusugan.

Online Medical Reviewer: Donna Freeborn PhD CNM FNP
Online Medical Reviewer: Heather M Trevino BSN RNC
Online Medical Reviewer: Irina Burd MD PhD
Date Last Reviewed: 8/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer