Pagkagalos ng Cornea

Mayroon kang gasgas o galos (abrasion) sa iyong cornea. Ang cornea ay ang proteksyong takip sa harap ng mata. Tumutulong itong ipokus ang ilaw sa retina. Napakasakit ng sensitibong bahagi na ito kapag napinsala. Maaaring maging sensitibo sa liwanag at madalas na magluha ang iyong mata. At, maaaring lumabo ang iyong paningin hanggang sa humilom ang pinsala.
Mabilis humilom ang bahaging ito ng katawan. Maaasahan mong mawawala ang pananakit sa loob ng 24 hanggang 48 oras. Kung malaki o malalim ang galos, maaaring maglagay ng pantapal sa mata ang iyong tagapangalaga ng kalusugan, ngunit hindi ito laging ginagawa. Maaari ding gamitin ang antibiotic ointment o pampatak sa mata para maiwasan ang impeksiyon.
Maaaring gamitin ang pampatak na pampamanhid para pansamantalang maibsan ang pananakit upang masuri ang iyong mga mata. Ngunit hindi maaaring ireseta ang pampatak na ito para gamitin sa bahay dahil mapipigilan nito ang paghilom at hahantong sa mas malulubhang problema. At, kung hindi mo nararamdaman ang iyong mata, may tsansa na aksidente itong mas mapinsala nang hindi nalalaman.
Pangangalaga sa tahanan
-
Maaaring ilagay ang malamig na pakete sa ibabaw ng mata (o pantapal sa mata) sa loob ng 20 minuto para maibsan ang pananakit. Para sa paggawa ng malamig na pakete, maglagay ng mga piraso ng yelo sa isang bag na plastik na naisasara sa itaas nito. Ibalot ang bag sa isang malinis at manipis na tuwalya o tela.
-
Maaari kang gumamit ng acetaminophen o ibuprofen upang makontrol ang pananakit malibang inireseta ang isa pang gamot sa pananakit. Kung ikaw ay matagal nang may sakit sa atay o bato, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago gamitin ang mga gamot na ito. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga kung nagkaroon ka na ng ulser sa sikmura o pagdurugo ng pantunaw.
-
Ipahinga ang iyong mga mata at huwag magbasa hanggang sa mawala ang mga sintomas.
-
Kung gumagamit ka ng mga contact lens, huwag isuot ang mga ito hanggang sa mawala ang lahat ng sintomas.
-
Kung nakaaapekto sa iyong paningin ang pagkagalos ng cornea o kung may inilagay na pantapal sa mata, huwag magmaneho ng sasakyang de-motor o magpatakbo ng makina hanggang sa mawala ang lahat ng sintomas. Maaaring mahirapan kang matantiya ang layo gamit lamang ang isang mata.
-
Kung sensitibo sa liwanag ang iyong mga mata, subukang magsuot ng sunglasses. O manatili sa loob hanggang sa mawala ang mga sintomas.
Follow-up na pangangalaga
Mag-follow up sa iyong tagapangalaga ng kalusugan, o ayon sa ipinayo.
-
Kung walang inilagay na pantapal sa iyong mata at nagpapatuloy ang pananakit nang higit sa 48 oras, dapat kang sumailalim sa isa pang pagsusuri. Makipag-ugnayan sa iyong tagapangalaga ng kalusugan para isaayos ito.
-
Kung tinapalan ang iyong mata at sinabi sa iyo na alisin mo ang pantapal, makipag-ugnayan sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung may nararamdaman ka pa ring pananakit kahit natanggal mo na ang pantapal.
-
Kung binigyan ka ng appointment para sa pagtatanggal ng pantapal at muling pagsusuri, tiyakin na tuparin ang appointment. Maaaring maging mapanganib kapag hinayaan ang pantapal nang mas matagal kaysa sa ipinayo.
Kailan hihingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:
-
Lumulubha ang pananakit ng mata o hindi bumubuti pagkalipas ng 24 na oras
-
Pagtagas mula sa mata
-
Lumulubha ang pamumula ng mata o pamamaga ng mga talukap
-
Lumulubha ang paningin
-
Lumulubha ang mga sintomas pagkatapos maghilom ng galos
Online Medical Reviewer:
Chris Haupert MD
Online Medical Reviewer:
Rita Sather RN
Online Medical Reviewer:
Tara Novick BSN MSN
Date Last Reviewed:
6/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.