Health Encyclopedia
A B C D E F G H I J K L M N O P Q R S T U V W X Y Z A-Z Listings

Type 1 Diabetes at ang Iyong Anak: Paggamit ng Insulin

Hindi na gumagawa ng insulin ang lapay ng iyong anak. Dapat mapalitan ang nawawalang insulin. Hindi maiinom ang insulin. Dahil ito sa tinutunaw ng mga asido sa sikmura ang insulin bago ito makapunta sa daloy ng dugo. Sa halip, ibinibigay ang insulin sa pamamagitan ng turok (iniksyon) sa taba sa ilalim lang ng balat. Hindi mahirap na matutunan ang pagtuturok ng insulin.

Mga uri ng insulin

May 3 pangunahing uri ng insulin:

  • Mabilis ang bisa na insulin. Ibinibigay ito bago ang mga pagkain upang gumana sa asukal sa dugo sa oras ng pagkain.

  • Katamtaman ang bisa na insulin. Mas matagal bago ito gumana kaysa mabilis ang bisa na insulin. Ngunit mas nagtatagal ito sa daloy ng dugo.

  • Matagal ang bisa na insulin. Nagbibigay ito ng kaunting dami sa daloy ng dugo sa lahat ng oras.

Malamang na gumamit ang iyong anak ng mahigit sa 1 uri ng insulin.

Paggamit at pag-iimbak ng mga bote ng insulin

Upang gumamit at mag-imbak ng insulin nang ligtas: 

  • Maaari mong itabi ang insulin na ginagamit mo ngayon sa temperatura ng silid. Maaari mong itabi ang bote ng insulin na ginagamit mo ngayon sa counter ng kusina. Ngunit itapon ito 28 araw pagkatapos itong buksan. Gawin ito kahit hindi pa ito naubos. 

  • Panatilihing malamig ang insulin. Siguraduhing hindi ito tumataas sa 86°F (30°C).

  • Magkaroon ng backup na supply ng insulin na nakaimbak sa refrigerator. Tingnan ang petsa ng pag-expire sa mga bote. Kung lumipas na ang petsa ng pag-expire, itapon ang bote. 

  • Huwag ilagay sa freezer o alugin ang insulin. Hindi gagana nang maayos ang insulin matapos itong mailado. At makakalikha ang pag-aalog dito ng mga bula ng hangin sa vial.

  • Huwag gamitin ang insulin kung iba ang itsura nito para sa anumang dahilan. Dapat na malabo ang ilang insulin. Malinaw ang iba pang mga uri. Ngunit hindi dapat magbago ang mga ito. Tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan o pharmacist kung hindi ka sigurado kung paano dapat ang itsura ng insulin.

Mga paraan ng pagbibigay ng insulin

Kasama sa mga paraan ng pagbibigay ng insulin sa iyong anak ang: 

  • Karayom at hiringgilya. Ito ang pinakakaraniwan at pinakamurang paraan. Sinasaklaw ito ng karamihang plano ng insurance. Hinahayaan ka ng paraang ito na maghalo ng 2 uri ng insulin sa parehong hiringgilya.

  • Insulin pen. Kasama sa device na ito ang isang karayom at cartridge ng insulin. Ginagawang madali ng mga pen na sukatin ang insulin at ihanda ang turok. Sa mga pampublikong lugar, maaaring makaakit ng mas kaunting pansin ang isang pen. Maaaring mas maginhawa ito kaysa karayom at hiringgilya. Magagamit rin ang mga smart pen, tinatawag ngayon na mga connected insulin pen (mga CIP). Maaaring i-program ang mga pen na ito upang kalkulahin ang mga dosis ng insulin and ilipat ang data sa smart phone ng mga pasyente.

  • Insulin infusion pump. Maaari itong maghatid ng insulin nang tuluy-tuloy sa napakakaunting dami. Halos kasing laki ng isang pager ang pump. Nakakabit ito sa katawan ng iyong anak gamit ang isang mahaba at manipis na tubo. Palagi itong isinusuot sa lahat ng oras. Mahal ang mga pump. Ngunit sinasaklaw ang mga ito ng ilang kompanya ng insurance. Makipag-usap sa pangkat ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak tungkol sa mga benepisyo at panganib ng isang insulin pump para sa iyong anak.

  • Nilalanghap na insulin. Pinag-aaralan ito para sa posibleng paggamit ng mga bata. Magagamit na ito ngayon ng mga adulto. 

Mga payo para makatulong

Mas mapadadali ng mga payong ito ang pagtuturok: 

  • Itanong sa pangkat ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak ang tungkol sa device na itinatago ang karayom kapag nagtuturok ka. Makakatulong ito na mapababa ang stress ng iyong anak.

  • Maaari kang magsanay sa iyong sarili. Maaari mong turukan ang iyong sarili ng sterile na distilled water o saline na ibinigay sa iyo ng iyong pangkat ng tagapangalaga ng kalusugan, gamit ang isang hiringgilya ng insulin. Sa paraang iyon, magkakaroon ka ng mas magandang ideya kung paano ang pakiramdam ng turok na insulin.

  • Upang mapanatiling malusog ang balat ng iyong anak, gumamit ng bagong lugar sa bawat turok. Ang mga lugar na pinakamadalas gamitin ay ang itaas ng braso, harap ng mga hita, at matatabang balat ng tiyan. 

  • Turuan ang iyong anak tungkol sa diabetes at mga turok na insulin. Gumamit ng mga salitang tama para sa edad ng iyong anak. I-adjust kung ano ang sinasabi mo habang tumatanda ang iyong anak. Maaari kang matulungan ng pangkat na tagapangalaga sa kalusugan ng iyong anak.

Online Medical Reviewer: Marianne Fraser MSN RN
Online Medical Reviewer: Raymond Kent Turley BSN MSN RN
Online Medical Reviewer: Robert Hurd MD
Date Last Reviewed: 3/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.
Powered by Krames by WebMD Ignite
About StayWell | Terms of Use | Privacy Policy | Disclaimer