Cellulitis (Bata)

Ang cellulitis ay isang impeksiyon ng malalalim na suson ng balat. Ang bitak sa balat, gaya ng hiwa o galos, ay maaaring magpapasok ng bakterya sa ilalim ng balat. Kung naabot ng bakterya ang malalalim na layer ng balat, maaari itong magdulot ng malubhang impeksiyon. Kung hindi nagamot, maaaring mapunta sa daloy ng dugo at mga kulani ang cellulitis. Pagkatapos, maaaring kumalat sa buong katawan ang impeksiyon.

Sa mga bata, pinakamadalas nangyayari ang cellulitis sa mga binti at paa. Mas karaniwan ito sa mga batang may mahinang immune system. Nagdudulot ang cellulitis sa apektadong balat na maging mapula, namamaga, mainit, at masakit. May nakikitang hangganan ang mga namumulang bahagi. Maaaring magkaroon ang iyong anak ng lagnat, pagkaginaw, at pananakit. Maaaring makulit at umiiyak at mahirap pakalmahin ang isang maliit na bata.

Ginagamot ang cellulitis gamit ang mga antibayotiko. Dapat gumaling ang mga sintomas 1 hanggang 2 araw pagkatapos simulan ang paggamot. Sa ilang kaso, maaaring bumalik ang mga sintomas.

Pangangalaga sa tahanan

Bibigyan ang iyong anak ng antibayotiko upang gamutin ang impeksiyon. Siguraduhing ibigay ang lahat ng gamot para sa buong bilang ng mga araw hanggang sa maubos ito. Ipagpatuloy ang pagbibigay ng gamot kahit wala na ang mga sintomas ng iyong anak. Maaari ka ring payuhan na gumamit ng gamot upang mapababa ang lagnat at mabawasan ang pamamaga. Sundin ang mga tagubilin ng tagapangalaga ng kalusugan para sa pagbibigay ng mga gamot na ito sa iyong anak.

Pangkalahatang pangangalaga

  • Hangga't maaari, pagpahingahin ang iyong anak hanggang sa gumaling ang impeksiyon.

  • Kung maaari, paupuin o pahigain ang iyong anak na ang apektadong bahagi ay nakataas nang mas mataas sa lebel ng kanyang puso. Makatutulong ito na mabawasan ang pamamaga.

  • Kung nasira ang balat, sundin ang mga tagubilin ng tagapangalaga ng kalusugan upang pangalagaan ang bukas na sugat at palitan ang anumang tapal.

  • Panatilihin na maikli ang mga kuko ng iyong anak upang mabawasan ang pagkakamot.

  • Hugasan ang iyong mga kamay gamit ang sabon at malinis na dumadaloy na tubig bago at pagkatapos asikasuhin ang iyong anak. Ito ay upang mapigilan ang pagkalat ng impeksiyon.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak, o ayon sa ipinayo

Kailan hihingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung mangyari ang alinman sa mga sumusunod:

  • Lagnat (tingnan ang Lagnat at mga bata)

  • Mga sintomas na hindi gumagaling sa paggamot

  • Namamagang mga lymph node sa leeg o sa ilalim ng braso

  • Pamamaga sa paligid ng mga mata o sa likod ng mga tainga

  • Labis na paglalaway, pamamaga ng leeg, o mahinang boses

  • Pamumula o pamamaga na lumalala

  • Pananakit na mas lumulubha

  • Mabahong likido na nagmumula sa apektadong bahagi

  • Nangitim na balat

Lagnat at mga bata

Gumamit ng digital na thermometer para suriin ang temperatura ng iyong anak. Huwag gumamit ng mercury thermometer. Mayroong iba't ibang uri at gamit ang mga digital na thermometer. Kabilang sa mga ito ang:

  • Sa puwit. Para sa mga batang wala pang 3 taong gulang, pinakatumpak ang temperatura sa puwit.

  • Noo (temporal). Gumagana ito sa mga batang nasa edad 3 buwan at mas matanda. Kung may mga senyales ng sakit ang batang wala pang 3 buwang gulang, maaari itong magamit bilang unang pass. Maaaring nais kumpirmahin ito ng tagapangalaga gamit ang temperatura sa puwit.

  • Tainga (tympanic). Tumpak ang temperatura sa tainga pagkatapos ng edad na 6 na buwan, ngunit hindi bago ang edad na ito.

  • Kili-kili (axillary). Ito ay hindi gaanong maaasahan ngunit maaaring magamit para sa unang pass upang tingnan ang batang anuman ang edad na may mga palatandaan ng sakit. Maaaring nais kumpirmahin ito ng tagapangalaga gamit ang temperatura sa puwit.

  • Bibig (oral). Huwag gumamit ng thermometer sa bibig ng iyong anak hanggang siya ay hindi bababa sa 4 na taong gulang.

Gamitin ang thermometer sa puwit nang maingat. Sundin ang mga direksyon ng gumagawa ng produkto para sa tamang paggamit. Dahan-dahan itong ipasok. Pangalanan ito at tiyaking hindi ginagamit sa bibig. Maaari din itong magpasa ng mga mikrobyo mula sa dumi. Kung hindi ka OK sa paggamit ng thermometer sa puwit, itanong sa tagapangalaga ng kalusugan kung anong uri ang gagamitin sa halip. Kapag makikipag-usap ka sa sinumang tagapangalaga ng kalusugan tungkol sa lagnat ng iyong anak, sabihin sa kanya kung anong uri ang ginamit mo.

Nasa ibaba ang mga patnubay upang alamin kung may lagnat ang iyong maliit na anak. Maaari kang bigyan ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak ng iba’t ibang numero para sa iyong anak. Sundin ang mga partikular na tagubilin ng iyong tagapangalaga.

Mga sukat ng lagnat para sa sanggol na wala pang 3 buwang gulang:

  • Una, itanong sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung paano mo dapat kuhanin ang temperatura.

  • Puwit o noo: 100.4°F (38°C) o mas mataas

  • Kilikili: 99°F (37.2°C) o mas mataas

Mga sukat ng lagnat para sa batang edad 3 buwan hanggang 36 na buwan (3 taon):

  • Puwit, noo, o tainga: 102°F (38.9°C) o mas mataas

  • Kilikili: 101°F (38.3°C) o mas mataas

Tumawag sa tagapangalaga ng kalusugan sa mga kasong ito:

  • Temperatura na paulit-ulit na 104°F (40°C) o mas mataas sa isang bata anuman ang edad

  • Lagnat na 100.4° F (38° C) o mas mataas sa sanggol na mas bata sa 3 buwan

  • Lagnat na tumatagal ng lampas sa 24 na oras sa batang wala pang 2 taong gulang

  • Lagnat na tumatagal ng 3 araw sa batang 2 taong gulang o mas matanda

Online Medical Reviewer: Dan Brennan MD
Online Medical Reviewer: L Renee Watson MSN RN
Online Medical Reviewer: Michael Lehrer MD
Date Last Reviewed: 7/1/2022
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.