Impeksyon sa Puwerta Dulot ng Trichomonas (Trichomoniasis)

Uterus, Puwerta, Cervix, Obaryo, Fallopian tube

Kadalasang tinatawag na “trich” ang impeksyon sa puwerta na dulot ng trichomonas. Sanhi ito ng isang parasito na naipapasa sa pagtatalik. Ito ang dahilan kaya ang trich ay isang impeksyong naipapasa sa pakikipagtalik (STI). Maaaring magkaroon ng trich ang parehong mga kalalakihan at kababaihan, ngunit mas karaniwan ito sa kababaihan.

Walang anumang sintomas sa simula ang karamihang taong may trich. Kung magkaroon ng mga sintomas, maaaring abutin ng ilang linggo o buwan upang mabuo ang mga ito.

Maaaring kabilang sa mga sintomas sa kababaihan ang:

  • Manipis na pagtagas mula sa puwerta na maaaring mabaho at maging malinaw, puti, abo, berde, o dilaw ang kulay

  • Pangangati, paghapdi, pamumula, o pananakit sa loob o sa paligid ng puwerta

  • Pananakit sa ibabang bahagi ng tiyan

  • Pag-ihi nang madalas o pananakit at pag-init habang umiihi

  • Pananakit sa pakikipagtalik

Hind karaniwan ang mga sintomas sa kalalakihan. Maaaring mayroong trich ang kalalakihan at maipasa ito sa kababaihan habang nagtatalik nang hindi nalalamang may impeksyon sila.

Kadalasang ginagamot ang trich gamit ang mga antibiotic. Kung hindi ginagamot, maaaring mapataas ng trich ang peligro ng mas malubhang problema sa kalusugan tulad ng:

  • Sakit na pamamaga ng balakang (pelvic inflammatory disease o PID)

  • Panganganak nang wala sa oras (mas maagang pagsilang ng sanggol kung buntis ka)

  • HIV at ilang iba pang mga STI

Pangangalaga sa tahanan

  • Inumin ang iniresetang mga antibiotic sa iyo nang eksakto gaya ng itinagubilin. Inumin lahat ng gamot, kahit na wala na ang iyong mga sintomas.

  • Huwag uminom ng alak hangga’t hindi ka pa tapos sa iyong paggamot.

  • Sabihin sa sinumang nakatalik mo na mayroon kang trich. Kakailanganin nilang magpasuri para sa trich at maaari ding sumailalim sa paggamot.

  • Huwag makipagtalik 7 hanggang 10 araw matapos makumpirmang nagamot ka na at ang sinumang nakatalik mo.

Pag-iwas

Ang tanging paraan upang makaiwas sa pagkakaroon ng trich o anumang iba pang STI ay hindi pakikipagtalik. Kung pinili mong makipagtalik, gumawa ng mga hakbang upang mapababa ang mga peligro sa iyong kalusugan:

  • Gumamit ng kondom kapag nakikipagtalik.

  • Limitahan ang bilang ng mga kapareha kung kanino ka nakikipagtalik.

  • Regular na magpasuri para sa mga STI. Hilingin sa sinumang nakatalik mo na gawin din ito.

  • Huwag makipagtalik sa sinumang may mga sintomas na maaaring dulot ng isang STI.

Follow-up na pangangalaga

Mag-follow up sa tagapangalaga ng iyong kalusugan, o ayon sa ipinayo. Malamang na isagawa ang pagsusuri upang matiyak na nawala na ang impeksyon.

Kailan dapat humingi ng medikal na payo

Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng iyong kalusugan kung:

  • Mayroon kang lagnat na 100.4ºF (38ºC) o mas mataas, o gaya ng itinagubilin ng iyong tagapangalaga ng kalusugan.

  • Maaaring lumubha ang mga sintomas mo, o hindi mawala ang mga ito matapos makumpleto ang paggamot sa iyo.

  • Mayroon kang bagong pananakit na nararamdaman sa ibabang bahagi ng iyong tiyan o bahaging pelvic.

  • Mayroon kang masasamang epekto na gumagambala sa iyo o isang reaksyon sa gamot na iniinom mo.

  • Ikaw o sinumang nakatalik mo ay may mga bagong sintomas, tulad ng pantal, pananakit ng kasu-kasuan, o mga singaw.

Online Medical Reviewer: Daniel N Sacks MD
Online Medical Reviewer: Donna Freeborn PhD CNM FNP
Online Medical Reviewer: Heather Trevino
Date Last Reviewed: 6/1/2020
© 2000-2025 The StayWell Company, LLC. Lahat ng mga karapatan ay nakalaan. Ang impormasyong ito ay hindi nilalayon bilang kapalit ng propesyonal na medikal na pag-aalaga. Laging sundin ang mga tagubilin ng inyong propesyonal sa pag-aalaga ng kalusugan.