Pyelonephritis o Impeksyon sa Kidney (Bata)
Tinatawag na pyelonephritis ang isang uri ng impeksiyon ng isa o parehong kidney. Kadalasang nangyayari ito kapag ang bakterya o virus ay nakakapunta sa mga bato. Makakapasok ang bakterya o virus sa (mga) kidney mula sa pantog o mula sa dugong dumadaloy mula sa iba pang bahagi ng katawan.

Kasama sa mga karaniwang sanhi ng problemang ito ang:
-
Hindi pagpapanatiling malinis at tuyo ng bahagi ng ari, na siyang dahilan ng pagdami ng bakterya.
-
Sa mga batang babae: pagpunas sa likod papunta sa harap. Ikinakalat nito ang bakterya mula sa tumbong papunta sa butas ng pag-ihi (urethra).
-
Pagsuusot ng masisikip na mga pantalon o damit na panloob. Nagbibigay-daan ito na maipon ang halumigmig sa bahagi ng ari, na tumutulong sa pagdami ng bakterya.
-
Ang pagiging sensitibo ng ilang bata sa mga kemikal sa mga bubble bath. Makakapasok ang mga ito sa butas ng pag-ihi at maaaring humantong sa impeksiyon sa daanan ng ihi.
-
Ang "pagpipigil" ng ihi sa loob ng mahabang oras.
-
Pagkatuyo ng tubig sa katawan.
Ang unang beses ng impeksiyon sa daanan ng ihi ay karaniwan sa batang babae. Gayunpaman, ang paulit-ulit na mga impeksiyon sa isang batang babae o unang beses na impeksiyon sa lalaki ay nangangailangan ng karagdagang pagsusuri.
Maaaring magdulot ang mga impeksiyon sa kidney ng mga sintomas na katulad ng impeksiyon sa pantog. Maaaring magdulot ang impeksiyon ng isa o marami sa mga sintomas na ito:
-
Pananakit (o hapdi) kapag umiihi
-
Kailangang umihi nang mas madalas kaysa karaniwan
-
Pag-ihi sa kama o pag-ihi sa damit na panloob (ng isang batang sinanay sa banyo)
-
May dugo sa ihi (kulay rosas o pula)
-
Pananakit ng tiyan o kawalan ng ginhawa, karaniwang sa ibabang bahagi ng tiyan
-
Pananakit ng tagiliran o likod
-
Pananakit sa itaas ng buto ng singit
-
Lagnat o panginginig
-
Pagsusuka
-
Pagkamayamutin, lalo na sa mga sanggol
-
Tumatangging kumain
-
Mabagal ang pagbigat ng timbang
Ang mga batang wala pang 2 taong gulang ay maaari lamang magkaroon ng mataas na lagnat nang walang iba pang sintomas sa daanan ng ihi (tulad ng dugo sa ihi, pananakit kapag umiihi, atbp).
Ang mga batang mas matanda sa 2 buwang gulang at hindi nagsusuka ay ginagamot gamit ang mga iniinom (likido, mga tableta) na antibayotiko. Sinisimulan kaagad ang mga ito. Kung ginawa ang culture, sasabihan ka kung kailangang baguhin ang paggamot. Kung itinagubilin, maaari kang tumawag para malaman ang mga resulta.
Batay sa edad ng bata (wala pang 2 buwan). pangkalahatang kalusugan, o kung gaano kalubha ang impeksiyon, maaaring kailangang ipasok ang bata sa ospital para sa mga antibayotiko na intravenous (IV).
Pangangalaga sa tahanan
Mga Gamot
-
Magrereseta ng gamot ang tagapangalaga ng kalusugan upang gamutin ang impeksiyon. Sundin ang mga tagubilin para sa pagbibigay ng mga gamot na ito sa iyong anak. Gamitin araw-araw ang gamot ayon sa itinagubilin hanggang sa maubos ito. Huwag ihinto ang pagbibigay nito sa iyong anak kahit gumaling na siya. Huwag kailanman bigyan ng aspirin ang iyong anak maliban kung sinabi ng tagapangalaga ng kalusugan.
-
Para sa mga batang nasa edad 2 at mas matanda: Maaari mo silang bigyan ng acetaminophen o ibuprofen para sa pananakit, lagnat, pagiging maselan, o kawalang-ginhawa, kung pinayagan ng tagapangalaga ng kalusugan.
-
Kung ang iyong anak ay may pangmatagalang sakit sa atay o kidney, makipag-usap sa iyong tagapangalaga ng kalusugan bago ibigay ang mga gamot na ito. Makipag-usap din sa iyong tagapangalaga kung nagkaroon ng ulser sa sikmura o pagdurugo ng sikmura o bituka, o umiinom ng mga pampalabnaw ng dugo. Makipag-ugnayan sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak bago simulan o ihinto ang anumang gamot (gamot na nabibili nang walang reseta o inireresetang gamot).
Pangkalahatang pangangalaga
-
Dapat manatili sa bahay ang iyong anak mula sa paaralan at magpahinga sa kama hanggang mawala ang lagnat at gumaling ang iyong anak, o ayon sa ipinayo ng tagapangalaga ng kalusugan.
-
Siguraduhing umiinom ng maraming likido ang iyong anak. O, siguraduhing madalas na kumakain ang iyong sanggol. Ito ay upang maiwasan ang dehydration. Itanong sa iyong tagapangalaga ng kalusugan kung gaano karaming tubig ang dapat inumin ng iyong anak araw-araw.
-
Subaybayan kung gaano kadalas umihi ang iyong anak. Tingnan ang kulay at dami.
-
Gawin ang iyong makakaya upang mapaihi ang iyong anak nang hindi bababa sa bawat 3 hanggang 4 na oras sa araw. Siguraduhin na hindi siya naaantala. Ang pagpipigil ng ihi at ang sobrang pagbanat ng pantog ay maaaring magpalala sa kondisyon ng iyong anak.
-
Sabihin sa iyong anak na ganap na ubusin ang laman ng pantog sa bawat pag-ihi. Makatutulong ito na mailabas ang bakterya.
-
Pagsuotin ang iyong anak ng maluluwag na damit at damit-panloob na yari sa bulak.
-
Siguraduhin na umiinom nang sapat na likido ang iyong anak. Bigyan ang iyong anak ng katas ng cranberry kung ipinayo ng tagapangalaga ng kalusugan.
-
Dapat iwasan ng mga babae ang mga bumubulang paligo. Ang pagiging sensitibo sa mga kemikal sa mga bumubulang paligo ay maaaring makairita sa urethra.
-
Siguraduhing nagpupunas ang iyong anak mula harap patungo sa likod pagkatapos gumamit ng banyo. Punasan ang iyong sanggol mula harap patungo sa likod sa panahon ng pagpapalit ng diaper.
-
Siguraduhing regular na nililinis ang ari ng lalaki. Kung hindi pa tuli, ipaurong sa kanya (hilahin pabalik) ang dulong-balat kapag nililinis.
Pag-iwas
-
Turuan ang iyong anak na babae na magpunas mula sa harap patungo sa likod pagkatapos gumamit ng banyo.
-
Turuan nag iyong anak na lalaki na regular na linisin ang ari. Kung hindi pa tuli, ipaurong sa kanya (hilahin pabalik) ang dulong-balat kapag nililinis.
-
Siguraduhin na hindi mahigpit ang mga diaper. Kung gumamit ka ng mga diaper na gawa sa tela, gumamit ng bulak o lana na protektor sa halip na nylon o mga pantalon na yari sa goma.
-
Palitan kaagad ang mga nadumihang diaper. Panatalihing malinis at tuyo ang bahagi ng ari.
-
Siguraduhing umiihi ang iyong anak kung kinakailangan, at hindi ito pinipigil. Gawin ang iyong makakaya upang mapaihi ang iyong anak nang hindi bababa sa bawat 3 hanggang 4 na oras sa araw. Siguraduhin na hindi siya naaantala. Ang pagpipigil ng ihi at ang sobrang pagbanat ng pantog ay maaaring magpalala sa kondisyon ng iyong anak.
-
Siguraduhing iwasan ng iyong anak na magsuot ng masisikip na pantalon at damit-panloob.
-
Hikayatin ang iyong anak na umihi sa nang tuluy-tuloy sa halip na nagsisimula at tumitigil sa panahon ng pag-ihi. Tumutulong ito na linisin ang pantog hanggang sa dulo.
-
Panatilihing walang shampoo, o iba pang mga sabon ang tubig sa paliguan ng iyong anak. Hugasan ang bahagi ng ari ng iyong anak ng wala o napakabanayad na sabon (hindi bar na sabon) at banlawang mabuti gamit ang tubig. Dahan-dahang patuyuin.
-
Maaaring mas malamang na magkaroon ng impeksiyon sa daanan ng ihi dahil sa pagtitibi. Makipag-usap sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung may mga problema sa pagdumi ang iyong anak.
Follow-up na pangangalaga
Gumawa ng follow-up appointment ayon sa ibinilin ng tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak. Ang malapitang follow-up at karagdagang pagsusuri ay napakahalaga upang hanapin ang sanhi at maiwasan ang mga impeksiyon sa hinaharap.
Kung nagkaroon ang iyong anak ng urine culture sa panahon ng pagbisitang ito, kokontakin ka kung kailangang baguhin ang paggamot ng iyong anak. Kung itinagubilin, maaari kang tumawag para malaman ang mga resulta.
Kung nagkaroon ka ng X-ray, CT scan, o iba pang pagsusuring diagnostic, sasabihin sa iyo ang alinmang bagong nakita na maaaring makaapekto sa pangangalaga sa iyong anak.
Tumawag sa 911
Tumawag sa 911 kapag nangyari ang anuman sa mga sumusunod:
-
Hirap sa paghinga
-
Nalilito
-
Sobrang inaantok o hirap gumising
-
Pagkahimatay o pagkawala ng ulirat
-
Mabilis o napakahinang pintig ng puso
-
Panghihina, pagkahilo, o pagkahimatay
Kailan hihingi ng medikal na payo
Tumawag kaagad sa tagapangalaga ng kalusugan ng iyong anak kung alinman sa mga ito ang mangyari:
-
Hindi gumagalling sa loob ng 1 hanggang 2 araw pagkatapos simulan ang mg antibayotiko
-
2 taong gulang o mas matanda na umiinom ng mga antibayotiko: May lagnat na 102.2°F o mas mataas (39°C) o may lagnat na tumatagal ng mahigit sa 2 araw o ayon sa itinagubilin ng doktor.
-
Anumang sintomas na nagpapatuloy pagkatapos ng 3 araw ng paggamot
-
Tumitinding pananakit sa bahagi ng tiyan, likod, tagiliram, o singit
-
May problema sa pag-ihi o nabawasan ang dami ng ihi
-
Walang pag-ihi sa loob ng 8 oras, walang luha kapag umiiyak, mga "lubog" na mata, o tuyong bibig.
-
Pagsusuka
-
May dugo, maitim na kulay, o mabahong ihi
-
Hindi makainom ng iniresetang gamot dahil sa pagduudwal o anumang ibang dahilan
-
Sa mga kababaihan: May lumalabas sa pwerta, pananakit, pamamaga o pamumula sa labas na bahagi ng ari (labia)
-
Sa mga sanggol: Tumitinding pagkaiyamot o pagiging maselan o hindi mapakali